Pasaring ni Vandolph, pinalagan ng Malakanyang

PINALAGAN ng Malakanyang ang pasaring ni Vandolph, anak ni Rodolfo Quizon Sr. alyas Dolphy na “too late the hero” na kung matuloy ang paggawad ng National Artist award sa kanilang ama.

Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, wala sa kanilang kamay ang pagdesisyon sa bagay na ito dahil ginagalang nila ang proseso ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Cultural Center of the Philippines (CCP) na siyang namimili ng gagawaran ng nasabing parangal.

Nauna rito, inihayag ng anak ni Dolphy na si Vandolph na bagama’t ipagpapasalamat pa rin nila ay huli na rin ang nasabing parangal sa kalagayan ng kanilang ama.

Sa kasalukuyan ay stable subalit kritikal pa rin ang kondisyon ni Dolphy sa Makati Medical Center.

Sinabi ni Usec. Valte na hindi naman nila minamaliit ang mga nagawa ni Dolphy, bagkus kanilang kinikilala ang kanyang mga ambag sa sining.

Iniiwasan din nilang mapulitika ang nasabing award tulad ng nangyari sa Arroyo administration.

Ayaw namang patulan ng Malakanyang ang hirit ni Vice President Jejomar Binay ang isyu na gawaran ng bagong National Artist Plaque ang yumaong si Fernando Poe, Jr. (FPJ).

Iyon ay sa kabila ng sinulatan na ni Binay  si Pangulong Benigno Aquino III bago siya umalis patungong Jeddah, Saudi Arabia, na humihiling na ituwid ang mali umanong pagtrato kay FPJ ng nakaraang administrasyon.

Si Binay ang nagsilbing campaign manager ni Da King noong 2004 presidential elections.

Noong 2006 ang Arroyo administration ay iginawad ang posthumous National Artist award kay FPJ, pero hindi dumalo ang pamilya Poe sa seremonyas dahil sa paniwala nila na ang hakbangin ng dating Pangulong Gloria Arroyo ay upang maibsan ang galit ng mga supporters ni FPJ dahil sa paniwalang dinaya ito sa halalan.
Hindi rin umano sumunod ang dating administrasyon sa selection process.

Sa hiwalay namang seremonyas sa Cultural Center of the Philippines ay saka lamang nagpadala ng kinatawan ang pamilya ni FPJ.

“On the other hand, the family sent a representative in a separate ceremony at the Cultural Center of the Philippines in recognition of the acclamation given by FPJ’s fellow artists. The Poe family believes in the legitimacy of the votes given by FPJ’s fellow artists, among them National Artist for Cinema Eddie Romero,” ani Binay.

Labis ang pasasalamat ng aktor at anak ni Dolphy na si Vandolph matapos kilalanin ang comedy king bilang “Patnubay ng Sining at Kalinangan” sa lungsod ng Maynila.

Ngunit dahil nasa ospital pa rin, si Vandolph ang tumanggap ng parangal na iginawad mismo ni Manila Mayor Alfredo Lim.

Iginawad din kay Dolphy ang Diwa ng Lahi award na siyang pinakamataas na award na ibinibigay ng lungsod ng Maynila sa mga artists.

Ayon kay Lim, bago pa man maospital ay alam na ng king of comedy ang mga tatanggapin nitong pagkilala.

Hihilingin din daw nito kay Pangulong Noynoy Aquino na ibigay ang national artist award kay Dolphy.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply