Jaywalkers uuwing nakayapak

PINAG-AARALAN ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na kumpiskahin na rin ang sapatos ng mga pasaway bukod sa pagpapataw ng mas mataas na multa sa mga ito sanhi na rin ng patuloy na pagsuway sa anti-jaywalking campaign na inilunsad ng naturang ahensiya.

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, umabot na sa 350 ang nahuli at na-isyuhan ng Pedestrian Violation Receipt (PVR) ng kanilang mga tauhan sa loob pa lamang ng dalawang araw ng kampanya gayung mahigit isang linggo na nilang isinasapubliko ang babala hinggil sa mahigpit na kampanya.

Bukod sa pag-iisyu ng tiket na may katumbas na multang P200, isinasailalim din sa 15-minutong seminar hinggil sa “disaster preparedness” o paghahanda sa anomang uri ng sakuna o kalamidad ang mga mahuhuli. Ang hindi makapagbabayad ng kaukulang multa ay papatawan naman ng community service tulad ng paglilinis sa mga parke.

Dagdag pa ni Tolentino na kumpleto na rin ang mga inilagay nilang babala sa mga lansangan na bawal tawiran pati na ang panganib na kanilang susuungin sa oras na makipagsapalarang tawirin ang mga pangunahing lansangan kung saan nagsasalimbayan ang mabibilis na mga sasakyan.

Sa kabila nito, aminado si Chairman Tolentino na patuloy pa rin sa pakikipag-patintero sa mga humahagibis na sasakyan ang maraming pasaway na pedestrian sa halip na gumamit ng footbridge o tumawid sa tamang tawiran.

Dahil dito, sinabi ni Tolentino na posibleng kumpiskahin at i-impound na rin nila ang mga sapatos ng mga pasaway na pedestrian upang magsilbing halimbawa sa mga jaywalker. JAY REYES

 

 

 

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply