PCG nakatutok sa bagyong ‘Butchoy’

NAKATUTOK ngayon ang Philippine Coast Guard (PCG) sa pagpasok ng bagyong Butchoy na mabilis na kumikilos papasok sa Philippine area of responsibility.

Ayon kay PCG Commandant Edmund Tan, nakikipag-ugnayan na rin sila sa PAGASA upang ma-monitor ang galaw ng bagyo.

Kaugnany nito, pinayuhan ni Tan ang mga mangingisda na ilagay ang kanilang mga bangka sa mataas na lugar at itali nang maayos upang hindi tangayin ng malalakas na alon.

Maging ang mga residente na nakatira sa mababang lugar at malapit sa dagat ay sinabihan na ring lumikas upang hindi na maapektuhan pa sa posibleng flashflood at landslide.

Ayon kay Tan, dapat na mayroong mahahalagang gamit, pagkain at malinis na tubig ang mga residente habang nasa evacuation area.

Pinayuhan din ng PCG ang mga residente na mag-monitor sa updates kaugnay ng bagyong “Butchoy.”

Samantala, iniimbestigahan na ng PCG ang kapitan ng barko na lumubog sa karagatan sakop ng Palawan kung saan may mga nawawala pa ring mga pasahero na hindi nakalagay sa manifesto.

Ipinag-utos na ni Vice Admiral Edmund Tan, Commandant ng PCG ang pagbuo ng board marine inquiry upang matumbok ang tunay na dahilan ng paglubog ng MV Josille 2.

Inaalam na rin ng PCG kung ilan talaga ang pasaherong sakay ng nasabing barko bukod sa 34 tripulante at 13 pasahero.

Ito ay upang malaman ng PCG kung itutuloy pa ang search and rescue operation, matapos makatanggap ng impormasyon na may mga tao pang naghahanap pa ng nawawala nilang kamag-anak.

Nalaman na nakauwi na sa kanilang bahay ang mga survivor at ilan naman ay nanatili pa sa ospital.

Sentro din ng imbestigasyon ang mga testimonya ng mga tripulante at mga nakaligtas sa trahedya.

Nalaman rin na may mga pasahero ng lumubog na barko ang pinasakay kahit hindi sila papunta sa Maynila at wala sa manifesto.

Ayon pa sa PCG sa oras na napatunayang totoo ang alegasyon, mananagot ang may-ari at kapitan ng lumubog na barko.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply