PCOS machines ininspeksyon ng Comelec sa Cabuyao, Laguna

INUMPISAHAN na ng mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-inspeksyon sa mahigit 82,000 precint count optical scan (PCOS) machines na plano nitong bilhin upang magamit sa  May 2013 midterm elections.

Isinagawa ang inspeksiyon ng Comelec sa warehouse ng Smartmatic sa Cabuyao, Laguna kung saan nakaimbak ang mga PCOS machines, ay tumagal ng mahigit isang oras.

Pinangunahan ni Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr. ang inspeksiyon, kasama ang mga commissioner at mga miyembro ng advisory council ng Comelec, at mga kagawad ng media, habang si Cesar Flores, presidente ng Smartmatic for Asia Pacific, ang inspecting team sa loob ng warehouse.

Sinabi ni Flores na ang warehouse ay nahahati sa dalawang bahagi, na kinabibilangan ng storage area at ang lugar para sa configuration at testing ng mga makina.

Nabatid na sa testing, apat na proseso ang pinagdaraanan, at iyon ay ang primary checking, verification quality control, inventory at tagging.

Sa sandaling matapos na ang pagsusuri ay ididiretso na ang mga makina sa storage area ng Comelec.

Sakaling may depekto naman ay dadalhin ang makina sa quarantine area at duon, aalamin at kukumpunihin ang problema.

Hindi hihigit sa limang porsyento ng 82 libong PCOS machine ang nakasalang na sa quarantine area.

Ayon kay Flores, sa loob ng isang araw ay kaya nilang makumpleto ang pagsusuri sa 3,500 makina.

Inaasahan umanong sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo ay matatapos na ang testing.

Matapos namang masuri ang mga makina, susunod na sasalang sa testing ang software na gagamitin para sa PCOS machine.

Ayon kay Flores, posibleng bago matapos ang taon ay maisasakatupara na ang testing sa mga software, na naglalaman ng source code sa pag-perform ng makina sa programa at kasama sa napagkasunduang bilhin ng Comelec.

Bagamat bibilhin umano ng Comelec sa halagang P1.8 billion ang 80 libong mga PCOS  machine, mananatili, aniyang, naka-alalay ang Smartmatic sa Comelec para tumugon sa alinmang problema na maaring dumating sa mga makina.

Sa testing ng hardware o sa mismong makina kanina, kabilang sa mga sinuri kung nasa maayos pang kundisyon ay ang  ultraviolet mark sensors at ang printer na nakakabit din sa makina.

Ayon naman kay Comelec Spokesperson James Jimenez, sa oras na matapos ang inspeksyon o matiyak na maayos ang mga nasabing makina ay saka lamang magbabayad ang poll body sa Smartmatic.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply