Pekeng beneficiaries sa Hacienda Luisita, pinangangambahan

MAY pangamba ang National Anti-Poverty Commission (NAPC) Farmers’ Council na may posibilidad na mapasukan nga ng mga pekeng benepisaryo ang listahan ng mga magsasakang makakakuha ng bahagi ng Hacienda Luisita na pag-aari ng angkan ni Pangulong Benigno Aquino III.

Sa isang panayam, sinabi ni Marilou Cueto-Tapia na nakatanggap sila ng ulat na nang isagawa ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang validation process, maliban sa mga pangalang nakatala sa stock distribution option (SDO) agreement, nagpapunta pa ang mga kawani ng ahensiya ng mga taga-ibang lugar upang sumailalim din sa proseso.

Matatandaang ilang urban poor leaders na nagmula sa pamilya ng mga manggagawang-bukid sa Luisita ang nagsabing matagal ng taktika ng angkan ng mga Cojuangco ang maglagay ng pekeng benepisaryo sa kanilang asyenda upang mabalik pa rin sa kanila ang kontrol ng lupa kahit na maipamahagi ito sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Tiniyak naman ni DAR Undersecretary Anthony Parungao na hindi makakalusot ang mga peke o hindi kuwalipikadong benepisaryo ng repormang pansakahan sa Hacienda Luisita dahil nga mahigpit ang ipinatutupad nilang validation process.

Ngunit, ayon kay Roy Mahinay, miyembro ng execom ng NAPC Farmers’ Council, mahirap na matiyak ito sapagkat mismong mga tauhan ng DAR ang nagiging kasabwat ng mga panginoong maylupa sa pagpapapasok ng pekeng benepisaryo.

Maliban umano sa Luisita ay laganap din ang ganitong sistema sa Negros Oriental kung saan mismong mga municipal agrarian reform officers (MARO) ang nakikipagsabwatan sa mga panginoong maylupa.

Ayon kay Mahinay, kapag naipaupa na sa mga kamag-anak ang lupa ay ang mga kamag-anak na mismo ang magdadala ng sarili nilang mga manggagawang-bukid at ipapasok nila na benepisaryo ng repormang pansakahan pagkatapos ay collective sa halip na individual certificates of land ownership award (CLOA) ang kanilang ipa-iisyu kaya mananatili ang kontrol ng lupa sa orihinal na may-ari at hindi sa mga magsasakang benepisaryo habang ang mga tunay na nag-petisyon naman ay naiitsapuwera ang pinalalayas sa asyenda.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply