Petisyon sa SC vs verdict kay Corona, balewala sa Senado

BINALEWALA ng mga Senador ang naging petisyon sa Korte Suprema na pinababasura ang naging guilty verdict ng impeachment court laban kay Chief Justice Renato Corona.

Ayon kay Sen. Franklin Drilon, maituturing na academic na ang petition dahil mismo ang Supreme Court en banc na ang kumilala sa naging hatol ng impeachment court, sa katunayan ay nagtalaga na umano sila ng acting chief justice sa katauhan ni Justice Antonio Carpio.

“The Supreme Court recognized that there was a vacancy arising from the dismissal of ex-CJ Renato Corona as a result of the impeachment. Otherwise, if the Supreme Court did not recognize the validity of dismissal of Corona, they should not have appointed an acting CJ. The fact that there is an acting CJ means that the petition has absolutely no merit,” paliwanag ni Drilon.

Para kay Sen. Ping Lacson, pag-aaksaya lamang ng panahon ang ginawa ng grupo nina Atty. Allan Paguia at Atty. Homobono Adaza dahil ginawa lamang ng Senado na tumatayong impeachment court ang trabaho nito alinsunod sa Saligang Batas.

Una na ring sinabi ni Senate President Juan Ponce Enrile na handa ang Senado na makipagsagupa sa Korte Suprema sakaling paboran ang petisyon kahit pa humantong sa constitutional crisis.

Iginiit ni Enrile na tanging ang Senado lamang ang may solong kapangyarihan sa ilalim ng Saligang Batas na dinggin at magbaba ng hatol sa lahat ng mga impeachment cases sa bansa kaya’t hindi maaring makialam dito ang Korte Suprema.

Nabatid na sa limang pahinang urgent motion, hiniling ng dalawang abogado sa hukuman na magpalabas ng writ of preliminary injunction laban sa nasabing desisyon ng impeachment court at desisyunan ang petisyon bago pa mapaso ang 60 day period para sa pagkuwestiyon sa nasabing desisyon.

Iginiit ng mga ito na lumabag sa isinasaad sa Section 3 Article 11 at Section 1 ng Article 3 ng Saligang Batas ang Senado nang hindi nito iberipika kung dumaan sa tamang proseso ang inihaing verified complaint.

Kapwa nanindigan ang mga ito na ang kataas-taasang hukuman pa rin ang may final word sa batas at hindi ang impeachment tribunal.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply