Philip Salvador, may K bang pumalaot sa pulitika?

GINULAT at binulabog ng aktor na si Philip Salvador nang magdeklatra itong tatakbo siya bilang bise gobernador ng Bulacan. Ibig lang sabihin nito ay kakalabanin niya ang kapwa niya artistang si Daniel Fernando na kasalukuyang nakaupo bilang Vice Governor ng nasabing lalawigan.

Sa pagkakaalam namin, may standing offer sa kanya ang negosyanteng si George del Rosario, na balae ni Sen. Bong Revilla para maging runningmate nito sa Lungsod ng Pasay bilang Vice Mayor.

Dahil sa usaping ito sinubukan naming kunin ang opinyon ng ilang mga Bulakeño at mga taga-showbiz tungkol sa plano ngang ito ni Kuya Ipe at narito ang ilang sa kanilang masasabi; Mrs. Lynn Clark-Rocka Village phase 2 , Tabang, Plaridel Bulacan: Okey lang sa amin kung tatakbo si Philip Salvador dahil wala namang gustong lumaban kay Vice Gov. Daniel, at least nagkalakas loob siya. Ang tanong iboto naman kaya siya?

Aleah Angeles- Artist, Malolos, Bulacan: Bahala siya, basta doon na kami sa lehitimong Kababayan namin na marami ng nagawa para sa amin. Ala pa naman siyang pruweba.

Anonymous: Guiguinto Bulacan, Nagtataka lang kami kung bakit kakalabanin niya ang kanyang kapwa artista? Ganyan na ba ang samahan nila talu-talo parang mga politiko na rin? Ang alam ko nagbibigayan sila tulad nina Vic Sotto at Herbert Bautista sa Quezon City.

Marami pa kaming nakausap na ang karamihan ay negatibo ang reaksyon at masakit sa tengang pakinggan ang iba pa nilang komento kay Kuya Ipe. Kung tutuusin may katwiran ang mga nakausap namin dahil kahit sino ay pipiliin nila ang subok na at marami ng nagawang maganda sa kanilang lalawigan kaysa pumili pa sila na suntiok pa sa buwan ang kakayahan.

Pinuntahan din namin si Vice Gov. Daniel Fernando para kunin ang reaksyon nito sa pagdedeklara ni Kuya Ipe sa pagtakbo nito sa parehong posisyon.

“Unang-una, hindi maialis sa akin ang magtanong kung bakit? Bakit sa posisyong ito pa? Marami namang posisyon na pwede siyang tumakbo bakit kelangan pang maglaban kami?” May lungkot sa mukhang sambit ni Daniel.

“Kuya ko siyang itinuturing, kaya malaki ang respeto ko sa kanya at ayaw kong magkalaban kami. Okey lang kung kapwa ko siya politiko ang kaso pareho kaming artista at alam naman natin na parang magkakapatid tayo sa industriyang ito. Sa akin ang kaibigan ay kaibigan at hindi ako nagpalamon sa sistema ng pulitika na talu-talo,” dagdag pa ni VG Daniel.

“Alam ko, gusto rin niyang maglingkod bayan. Sa akin okey yun, pwede kaming magtulungan at andyan akong handang umalalay sa kanya. Ang sa akin lang kung tatakbo siyang board member may slot kaming ibibigay sa kanya. Huwag lang ito. Ayaw kong sumama ang loob niya sa akin at kung pwede ko nga lang ibigay sa kanya ang posisyong ito, ibibigay ko! Kaya lang, ano naman ang sasabihin sa akin ng aking mga kababayan na patuloy na nagtitiwala at umaasa sa akin?” maramdaming pahayag ni Daniel.

Naimungkahi nga ng butihing bise gobernador na sana umikot muna si Kuya Ipe sa buong Bulacan at malaman niya ang pulso ng bayan para makapagdesisyon siya kung itutuloy niya ang kanyang plano o hindi.

Kung kami man ang tatanungin, siguro magsagawa muna ng survey si Kuya Ipe, mahirap na ang magpadalus-dalos at makinig sa sulsol. Iba ang sinasabi ng mga politiko kaysa damdamin ng mas nakararaming mamamayan dahil sila ang bumuboto para mailuklok ang isang kandidato.

Hindi rin magiging maganda ang impresyon sa industriya dahil pangulo si Kuya Ipe ng Kapisanan ng mga Artista tapos kakalabanin ang kanyang miyembro sa isang posisyong pampulitika. Sana pakaisipin muna ni Kuya Ipe nang makasampung beses bago siya magdesisyon.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply