PHL paddlers sumungkit ng 2 silver sa China

NAKASUNGKIT na ng dalawang pilak na medalya national dragonboat team sa idinaraos na 2012 Asian Beach Games sa Haiyang, China.

Nadale ng Pinoy paddlers ang silver medal sa men’s 200-meter event nang magtala ng  43.992 segundo sa pagsagwan na idinaos sa Zone of Flat Water Sports.

Sa isinumiteng 43.458 segundo nanguna rito ang reigning Asian Games champion Indonesia habang tumersera lang ang host China sa layong 45.076 segundo.

Unang nakapilak ang national team sa men’s 500-meter race bunsod sa itinalang isang minuto at 52.927 segundo sa likod ng nangunang Indonesia sa itinarak na 1 minuto at 52.477. Sa Thailand napunta ang bronze medal na may isang minuto at 54.088 segundo.

Binubuo ang national squad nina Jameson Bumahit, Florence Caro, Nelson Cordova, Raquiel Espinosa, Alex Generalo, Mabrocio Gontinas Jr., Alberto Hugo, Rolando Isidro Jr., Hermie Macaranas, Joseph Magno, Diomedes Manalo, Ric Nacional, Ronniel Rafael, Dativo Romares, Ricky Sarden at Alex Sumagaysay.

Gold medal ang tangka ng Pinoy paddlers ngayong umaga sa pagsabak sa men’s 3,000-meter event.

Ang paglahok ng team sa torneo ay bahagi ng paghahanda para sa prestihiyosong World Championships na idaraos sa  Milan, Italy.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply