PHL Water Polo team, sasabak sa Singapore

SINGAPORE—Kahit walang suporta sa gobyerno at medyo kinakapos sa pagkain, nagpahayag ang All Star Philippine Water Polo Team na binubuo ng piling estudyante mula sa iba’t unibersidad sa bansa na handang-handa na sila sa pagsabak kontra sa mas malalaki at matatangkad na katunggali sa gaganaping Asian National Water Polo Championship sa Singapore.

Sinabi ni Team Captain Karlo Miguel Salonga na ibubuhos nila ang lahat ng kanilang lakas at huhugot sila ng inspirasyon mula sa mga Filipino OFW na walang sawang nagbibigay sa kanila ng suporta at nangakong panoorin sila sa kanilang mga laban.

“Nakakasama lang ng loob dahil ibibigay namin ang aming todong lakas para makakuha ng karangalan para sa bansang Pilipinas pero wala naman kaming nakuhang suporta mula sa Philippine Sports Commission o sa Philippine Olympic Committee,” malungkot na wika ni Salonga.

Bukod dito humiling din ang mga atleta ng panalangin mula sa samabayang Filipino upang gabayan sila sa kanilang pakikihamok at upang makapag uwi ng karangalan sa bansa.

Bukod kay Karlo, nangako ring makikipagpatayan sa laban sina Lenard Louie Avelino, Gerrol Castillo, Kenley Wong, John Serrano, Paul Gabriel Hofer, Kristian Leonardo Libat, Jeremiah Tolentino, Jeffrey Pelosa at Jeron Mercader.

“Kahit malaki sila, gagamitin namin ang aming lakas sa opensa, depensa at teamwork upang manaig at matalo ang kalaban,” ani Avelino  siyang tumatayong assistant team captain ng grupo.

Sinabi naman ni Col. Ariel Querubin, head ng delegation sa Singapore, na sana pag ukulan ng pansin ng POC at PSC ang mga atletang nagmula sa mga unibersidad at mabigyan sila ng suporta dahil dito nagmumula ang ating mga magagaling na atleta na nagdadala ng karangalan para sa bansa.

Nagpasalamat naman ang delegasyon sa San Miguel Corporation sa pangunguna ni presidenteng si Ramon S. Ang dahil sa wala nitong sawang pagtulong sa koponan.

Ayon sa team gagawin nilang lahat ang kanilang magagawa para sa bayan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply