Pinas nagmukhang timawa sa Water Polo sa Singapore

SINGAPORE — MANGIYAK-NGIYAK sa kahihiyan ang All-Star Philippine Water Polo Team dahil sa nanghiram pa sila ng head cap sa mismo nilang kalaban upang gamitin nila sa kompetisyon.

Ito’y matapos tanggihan ng Philippine Sports Commission sa pangunguna ni Commissioner Richie Garcia ang hiling ng delegasyon na pahiramin sila ng head cap na gagamitin ng mga estudyanteng manlalaro sa pagsabak sa Asian National Water Polo Championship.

Ayon sa Federation of Schools Sports Association of the Philippines (FESSAP), hindi umano pinahiram ng PSC ng head cap ang mga estyudyanteng kakatawan sa Pilipinas sa prestihiyosong water polo competition sa Singapore dahil hindi umano sila kinikilala ng PASA.

Ayon sa mga Singaporean, hindi umano magiging maayos ang sports sa Pilipinas kung masyadong mapulitika at hindi sinusuportahan ng gobyerno ang mga atleta lalong-lalo na ang grassroots program para sa mga estudyanteng atleta.

“Dapat talaga alisin na ang PSC at POC at ipaubaya na mga schools at FESSAP ang pamamalakad ng sports sa Pilipinas upang tumino ito at muling makilala ang Pilipinas sa larangan ng sports sa Asya,” ani naman ng miyembro ng delegasyon na sumabak sa Singapore.

Sa bansang Singapore, matindi ang ibinibigay na suporta ng gobyerno sa mga estudyanteng atleta lalo na kung sumasabak ito sa mga international competition.

Pero sa Pilipinas nanghihiram lang ng head cap para gamitin ng mga atletang lalaban sa ibang bansa ay tinanggihan pa nila dahil sa pulitika, walang kwenta talaga ang PSC at POC, wika ng mga kritiko.

Ayon sa All Star Philippine Water Polo team nahihiya sila dahil ang ginamit nilang cap ay may pangalan mismo ng team na kanilang kalaban sa first round.

“Nahihiya nga kami kasi may pangalan ng Singapore ang aming ginagamit na cap kasi hindi kami pinahiram ng PSC,” wika ng mga batang atleta.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply