Pinoy style

MULA sa pangungulila at kalungkutan ay nabigyang daan ang pagkabuo ng isang magasing Pinoy sa bansang Singapore.

Sa kabila ng maraming katangian ng mga Filipino, isa ang pagiging ‘magaling makiangkop’ sa mga katangian na naisip kong dahilan kung bakit karamihan sa ating mga kababayan ay nakatatagal at nagtatagumpay sa pakikipagsapalaran at paninirahan sa ibang bansa. ‘Ika nga, tila tayo isang chameleon na kayang makibagay at umangkop sa iba’t ibang kapaligiran.

Subalit tunay nga na ang kalungkutang dulot ng pagkakalayo sa pamilya at mahal sa buhay ay tila isang martilyo na dumudurog sa puso at determinasyon ng ating mga kababayang nagtutungo sa ibang bayan upang makipagsapalaran. Ang kalungkutang ito ay tila isang sakit na unti-unting pumapatay sa lakas ng loob na kanilang baon nang sila ay magtungo roon.

Sa bansang Singapore ay isang kakaibang lunas ang natuklasan ng ating kababayang si Luz Campos, upang maibsan ang pangungulila at kalungkutang dinaranas ng ating mga kababayan doon. Natagpuan niya ito sa isang magasin na kung tawagin ay ‘Pinoy Star Magazine’.

Dahil na rin sa isa siya sa mga takbuhan ng ating mga kababayan sa bansang Singapore, tuwing nakadarama sila ng kalungkutan bunga ng labis na pagka-homesick, ay naisipan ni Luz na magtayo ng isang publikasyon kung saan maaring makabasa ang ating mga OFW ng balita tungkol sa ating bansa.

At dito nga nagsimula ang istorya ng Pinoy Star Magazine, isang magazine kung saan makababasa ng balita, opinion o mga payo at entertainment sa paraang Pinoy na Pinoy – ‘ika nga Pinoy Style.

Isang beses kada buwan kung ilathala ang Pinoy Star Magazine, kung saan ‘star’ ang mga mambabasang Filipino, sapagkat hindi lamang ito nito inilalathala ang mga balita mula sa ating bansa kundi pati na rin mga balitang patungkol sa ating mga kababayan, maging ito man ay istorya ng tagumpay o payo sa kanilang mga suliranin o prob-lema sa employer.

Bagama’t mahirap sa umpisa at tila ‘suntok sa buwan’ na maituturing ang pagsisimula ng Pinoy Star, ay nagpatuloy si Luz, sa tulong na rin ng kanyang asawa at mga anak, upang magpatuloy ang nasabing publikasyon.

Sa kasalukuyan ay sampung taon na sa sirkulasyon ang Pinoy Star at patuloy nitong pinapawi ang lungkot na nadarama ng ating mga kababayang nakikipagsapalaran sa ibayong dagat. Sa katunayan ay nakarating na ito maging sa mga bansang gaya ng Indonesia at Malaysia, at patuloy pang lumalaki ang demand  nito sa iba pang mga bansa na gaya ng Israel at Cayman Island.

Masasabing isang tagumpay ang pagkabuo ng Pinoy Star Magazine sapagkat hindi na lamang mga Filipino ang mambabasa nito, kundi pati na rin ang mga employer nila na foreigner.

Sa publikasyon nito ay hindi lamang lunas sa kalungkutan sa pamamagitan ng entertainment ang natuklasan kundi pati na rin ang creativity at natatanging galing nating mga Filipino pagdating sa mga sitwasyong nangangailangan ng ‘Pinoy touch using our own style’.

*******
Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa IBC13 tuwing Huwebes, 11:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KA-SANGGA MO ANG LANGIT.*

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply