PJ Javier for Navotas mayor?

ANG Navotas City ay isa sa iilang local government unit sa bansa na ‘napakatahimik’ kung pulitika ang pag-uusapan.

Sa tagal ko na bilang media-man, wala akong narinig na mga taga-Navotas na nagkuwento ng pulitika sa kanilang lungsod.

Katunayan, ang Navotas ay naging ‘beat assignment’ ko ng ilang beses noong ako ay reporter pa ng People’s Journal.

Sa tagal kong na-cover ang Navotas, nagkaroon ako ng mga kakilala sa lugar na ito na naging mga kaibigan at sa kalaunan ay regular kong binibisita at kinukumusta.

At sa maraming taon na pakikisalamuha sa kanila, ang tema ng talakayan ay mga personal at matatapos na walang ibang pag-uusapan.

Noong nakaraang taon, naanyayahan ako ng isang kaibigan na nagdiwang ng kaarawan sa isang squatter colony sa lungsod.

Matapos ibuwal ang ilang bote ng gin, biglang nagbulalas ang aking kaibigan ng hinanakit at naging tema ng huntahan ang mga lider ng Navotas.

Ang aking kaibigan ay isa sa maraming mahihirap na residente na nawalan ng tahanan nang magkasunog sa kanilang lugar.

Hanggang naging tema ng usapan ng makulit ko nang kaibigan at mga bisita ang darating na election sa May 2013.

Maraming politiko at personalidad ang nabanggit sa huntahan, ilan sa kanila ay kilala ko na dahil malimit kong mabasa sa mga pahayagan. Isa sa aking napansin, wala silang bukambibig kundi ikuwento si Navotas City Vice Mayor Patrick Joseph ‘PJ’ Javier.

Maraming sumunod pang birthday ng mga kakilala at kaibigan ang nagbunsod sa akin para mapadpad ng maraming beses sa Navotas.

At ang huli ay noong Hunyo 4 kung saan naging bisita na naman ako ng isang kaibigan sa Dagat-dagatan, NBBS, Navotas City.

Sa pagtitipon na ito, si PJ Javier na naman ang sentro ng talakayan. Ako ay nagtataka at nahihiwagaan.

Ano ang ‘nagawa’ ng mamang ito para palaging pinag-uusapan sa mga pagtitipon ng kanyang mga kababayan. Ito kaya’y pahiwatig na iniindorso na ng mga taga-Navotas ang kanilang bise alkalde na tumakbo sa pagka-mayor sa may 2013 election?

Pero wala tayong naririnig sa kanyang kampo o sa bibig kaya ni VM Javier kung siya ba’y interesadong maging alkalde ng Navotas.

Subalit tatakbo man o hindi si VM PJ Javier sa darating na election, pakiwari natin, eh, siya’y mahalaga sa puso ng mga Nabotenyo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>