PNoy, ano po ba ang ginagawa ng mga tao mo?

KANSELADO na ng Securities & Exchange Commission (SEC) ang registration ng Winstar Transport Service Corp. mula pa 2003 dahil sa kabiguang tumupad sa requirements, ayon sa sertipikasyon na hawak natin mula sa SEC.

Ito ang Totoo: Sa kabila ng kawalan pala ng ligal na personalidad ang Winstar ay patuloy pa rin itong nag-o-operate ng taxi at bus services sa Subic Bay Freeport at nagpapasasa sa pribilehiyong tax exemptions bilang “locator.”

Sa 55 ring mga sasakyang ino-operate nito, apat lang ang rehistrado sa pangalan ng Winstar batay sa records ng Land Transportation Office (LTO), ang iba’y sa kung kani-kanino.

Nabisto ang Winstar matapos ireklamo at matalo sa kasong illegal dismissal at union busting na isinampa ng 14 na dating empleyado na nagtangkang magtayo ng unyon sa kompanya.

Kilala ang may-ari at general-manager ng Winstar na si Antonio C. Bautista na isang civic leader bilang Rotarian, partikular sa hanay ng Rotary Clubs sa Bataan, Olongapo, Subic Freeport at Zambales. Alam naman natin na ipinagmamalaki ng Rotary na lahat ng gawain at salitang sinasambit ng Rotarian ay sinusukat sa apat na pamantayan, ang “4-way test”: 1) ito ba ay totoo?; 2) ito ba ay makatarungan sa lahat ng may kinalaman?; 3) magbibigay ba ito ng mabuting pakikipagkapwa at mas magandang pakikipagkaibigan?; at, 4) magbibigay benepisyo ba ito sa lahat ng may kinalaman?

Mukhang hindi sinukat ni Bautista sa Rotary 4 way Test ang pagnenegosyo at pakikitungo niya sa mga empleyado at komunidad kaya malamang, isuka siya ng mga kasama niya kung hindi iisang kulay lang ang mga pakpak nila.

Tanong: Paano nakakukuha ng lisensya sa SBMA taon-taon sa nakalipas na siyam na taon ang Winstar gayong kabilang sa mga requirement ay mga dokumentong isinusumite sa SEC?

Mukhang pawang peke, ayon sa sources sa Investments Office.

Sandamakmak na misteryo talaga ang bumabalot sa SBMA at Subic Bay Freeport na sa mga nakalipas na panahon ay tila paraiso at puro magaganda lang ang lumalabas sa media.

Tingnan natin kung gaano kabilis o kabagal kumilos ang SBMA Board sa pangunguna ni Chairman & Administrator Roberto V. Garcia, kung aaksyon nga sila.

Tingnan rin natin kung mapapansin ni Pangulong Noynoy Aquino ang mga katiwaliang nananatili pa rin sa bangkaroteng freeport may isang taon na matapos ilagay niyang tagapamahala ang mga taong inaakala niyang matutuwid at kaisa sa daang tinatahak niya.

Ito ang totoo!

***

Ipaabot sa Ito Ang Totoo sa pamamagitan ng txt ang inyong mga mensahe sa cp no. 09994001162 o sa Facebook http://www.facebook.com/pages/Ito-Ang-Totoo-Remate/143876209055760

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply