PNoy babagsak kapag namatay si GMA – Enrile

MATINDING ipinahiwatig ni Senate President Juan Ponce Enrile ang pagbagsak ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III kung sakaling may masamang mangyari kay dating pangulo ngayon Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na ayaw payagang lumabas ng bansa upang magpagamot.

“Ang balita ko critical pa rin yung dating president. Ang sinasabi, ang balita ko, hindi makalulon at liquid lang ang kinakain nya at walang mga doctor dito na gustong humawak sa kanya. Palagay ko kapag may mangyari dyan, malaking usapin yan,’ ayon kay Enrile sa panayam.

Aniya, noong Marcos regime, pinapayagan ng administrasyon na makalabas ng bansa o dalhin sa mahusay na pagamutan ang isang bilanggo upang magpagamot dahil buhay at kamatayan ang usapin.

“Kahit na kami, nung panahon namin basta medical pinapayagan namin. Pinapayagan namin na lumabas yung mga hawak namin na nakabilanggo kapag kinakailangan na pumunta sa ospital sapagkat life and death yan eh,” paliwanag niya.

Inamin din ni Enrile na sa panahon ng martial law, pinayagan ni dating Pangulong Marcos na makapunta ng Amerika si dating Sen. Benigno “Ninoy” Aquino Jr., ama ni Pangulong Aquino, upang magpagamot kahit hinatulan na siya ng military tribunal.

“Kaya kami nung araw, noong si Ninoy ay nasa custody ng Marcos regime, kahit na siya ay hinatulan na ng military tribunal, pinalabas siya, pumunta sa Amerika para magpagamot. Hindi ko naman sinasabi na ganyan ang gagawin pero dapat pangalagaan yung kalusugan nung tao dahil maski na papano alam mo ang mga Pilipino, kapag may mamatay na, maawain yan eh,” paliwanag ni Enrile.

“Delikado yan, politically. Yun nga ang nagpabagsak sa rehimen ni President Marcos dahil may namatay. Marami nang beses na nangyari yan sa akin. yung ngang snap election, namatay si Evelio Javier, dahil dun bumagsak din yung snap election ni President Marcos, kaya mahirap yung issue na yan,” dagdag ng lider ng Senado.

Tinutulan din ni Enrile ang planong paglilipat kay Arroyo sa ordinaryong piitan tulad ng panawagan ng ilang kaalyado nito sa Kongreso tulad ni Sen. Francis Pangilinan dahil magaling na umano ang dating chief executive. “Babalikan ko lang itong kaso ni dating presidente, balita ko eh ililipat yata magmula dun sa ospital sa ordinary, ilalagay na sa kulungan.”

“Unang una, wag naman sana. Naging presidente ng bayan yan eh. Maski na naging napakasama ng paningin ng iba sa kanya, no matter how bad they think about her, she is presumed to be innocent until she is really convicted,” ayon kay Enrile.

“Pangalawa, titingnan naman nila yung kanilang evidence kung talagang malakas para sa ganun eh sigurado sila na maikukulong nila hindi ba? Baka later on wala naman silang evidence eh ilalagay mo sa bartolina, mahirap yun eh. Lalo na sa condition nya may sakit sya, eh kung mamatay yan sa bilangguan na yan?” dagdag niya.

“Akalain mo, ano ang itsura natin sa buong mundo na yung dating presidente ng Pilipinas hinahalo mo sa mga smuggler, dating drug lords, mga tulisan eh mahirap naman siguro,” patapos ni Enrile.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply