PNP generals sinibak at ang mga bagyo

TUWING may mga pulis na sinisibak sa serbisyo o pinapatawan ng iba pang mga parusa, nanghihinayang tayo.

Nanghihinayang tayo dahil mahirap ang pinagdaraanan ng mga ito bago makapagpulis pagkatapos ay masisibak din sa huli.

Mahirap isiping mababawasan nang mababawasan ang mga pulis na inaasahan pa naman natin na ating mga tagapagtanggol laban sa mga perhuwisyong kriminal sa paligid.

Kulang na kulang na nga ang mga pulis, nasisibak pa ang ilan sa kanila.

MAY KASALANAN

Kahit hinayang na hinayang tayo sa pagkakasibak sa mga pulis, kung may mga malilinaw namang dahilan ay wala tayong magagawa kundi tanggapin ang kanilang kalagayan.

Lalo na kung sinadya nilang labagin ang kahulugan ng tsapa ng pulisya.

Kapag nagpakita ng tsapa ang isang pulis, hindi lang siya isang ahente ng mga awtoridad.

Simbolo ang tsapa ng mahigpit na pagpoprotekta at pagseserbisyo sa mamamayan.

Kung sa halip na protektahan at paglingkuran ang mamamayan, gayundin ang pamahalaan, ay iba ang ginagawa ng mga ito, ano nga ba ang dapat na gawin?

PINASIPA NG OMBUDSMAN

Tinatalakay natin ang usaping ito, mga Bro, kaugnay ng kautusan ng Office of the Ombudsman na parusahan ang apat na heneral, anim na kernel, isang major, ilang sarhento at non-uniformed personnel.

Ayon sa Ombudsman, dapat na sibakin at patawan ng iba pang mga parusa ang mga nasasangkot sa chopper scam ni ex-FG Mike Arroyo.

‘Yun bang === ukol sa bagong luma na helikopter na ibinenta umano ni Arroyo sa Philippine National Police.

Sa mga heneral, dalawa ang sinibak sa serbisyo samantalang dalawa rito na parehong retirado na ang pinarusahan ng salary deduction at pagkawala ng kanilang mga benepisyo.

Lima naman sa mga kernel ang sinibak din habang ang isa ay sinuspinde.

May sinibak ding mga sarhento at non-uniformed personnel at mayroon ding suspendido.

SAYANG ANG PINAGHIRAPAN

Alam ba ninyo kung paano tumaas sa ranggo ang isang pulis mula sa PO1 hanggang heneral?

Nagpapakita ang mga ito ng gilas at karaniwang nakasentro ang gilas nila sa pagiging protektor at serbidor sa mamamayan.

May mga napo-promote naman dahil sa pulitika o sa palakasan pero bibihira ang ganitong mga pangyayari.

Lalo na ang level ng mga kernel at heneral, may mga kapuri-puring ginagawa ang mga ito na talaga namang kapaki-pakinabang sa buong bansa.

At dahil dito, mismo ang Senado ang nag-aapruba sa kanilang pagkamit ng kanilang posisyon makaraan silang irekomenda ng Malakanyang, Napolcom at Department of the Interior and Local Government para maging mga heneral at kernel.

Ngayon nga ay sinibak na sila o nilapatan ng karampatang parusa kahit retirado na. Ang masama pa riyan, hindi na sila makababalik pa sa pamahalaan, maging sa halalan o sa pamamagitan ng appointment.

Mawawala rin ang kanilang mga pensyon at iba pang mga pakinabang.

At kinakailangan na silang kumayod para mabuhay lamang.

Sayang, sayang talaga.

LEKSYON PAHALAGAHAN

Sa kabilang banda, maganda ring may nangyayaring ganito.

Magsisilbing babala ito sa lahat ng mga pulis na nakaiisip na balewalain ang kanilang mga tsapa, uniporme  at kakambal na mga sinumpaang tungkulin.

Dapat silang maging matapat sa mamamayan, sa pamahalaan at sa mga umiiral na batas.

Hindi sila dapat na maligaw ng landas gaya ng pagiging kasangkapan lamang ng  mga makapangyarihan na walang ibang ginagawa kundi ang mang-abuso at magpayaman sa pwesto o kapangyarihan.

Hindi sila dapat na matuksong gumawa ng mga kabalbalan para sa sarili nilang interes gamit ang kanilang mga uniporme, tsapa at baril.

Gaya ng nangyari sa mga sinibak at dinisiplina ng Ombudsman, ganito rin ang sasapitin ng mga hindi tumalima sa Matuwid na Daan.

BAGYO LUMAYO

Ang laki ng pasasalamat natin at sa dagat lumagi ang bagyong si Butchoy.

Una rito, pumasok sa Philippine Area of Responsibility ang bagyo.

Ngunit habang tinitipa natin ito, inalis ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ang lahat ng mga signal ng bagyo malapit sa kalupaan ng mahal kong Pinas.

Kahit papaano, ang kamatayan at kasiraan na matindi ay lumayo rin.

BAKA BUMALIK

Pero katulad ng naganap na sa maraming bagyo na tumira sa Pinas, baka maisipan ni Butchoy ang bumalik.

O kaya’y lumikha ng kakambal nito na maaaring namumuo ring bagyo o bagyo mismo.

Saka bumira sa atin.

Kaya naman, hindi tayo dapat na magpabandying-bandying.

Dapat tayong laging nakaalerto sa anomang magaganap.

MAY MGA NAMATAY

Kahit papaalis na si Butchoy, may namatay pa rin dahil sa kanya o sa kakambal nitong masamang panahon. Sa Saranggani province na lugar ni Kong. Manny Pacquiao ang kabilang sa mga may namatayan.

‘Yung iba, sa Palawan.

Inaasahan natin ang mga kinauukulan na kinakalinga na ang mga biktima ng masamang panahon.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply