PNP tikom na si Ping ang susunod na DILG chief

UMIWAS na sa intriga si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Nicanor Bartolome kaugnay sa napababalitang si Senador Panfilo “Ping” Lacson ang posibleng susunod na Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary, ang posisyong may supervisory powers sa mga pulis.

Ayon kay Bartolome, una na niyang sinabi na sinoman ang mapusuan ni Pangulong Noynoy Aquino III na ilagay sa pwesto ay kanilang sususportahan tulad ng suportang ibinibigay nila kay Secretary Jesse Robredo.

Sinabi pa nito na mas importante na may magandang samahan at ugnayan ang PNP at DILG kaya hindi ito dapat masira dahil lamang sa kung sino ang dapat suportahan.

Matatandaan na kahit si Secretary Robredo ay nagsabing “temporary” o parang “casual” lang siya sa DILG dahil ang pagtatalaga ng kalihim nito ay nakadepende sa Pangulo tulad din sa ibang ahensya ng gobyerno.

Samantala, tiwala naman ang isang arsobispo ng Simbahang Katolika na malaki ang magagawa ni Senador Panfilo Lacson sa administrasyong Aquino, partikular na kung mapupuwesto ito sa DILG.

Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, ipinahayag na ni Pangulong Aquino na pagkakalooban niya ng posisyon si Lacson kapag natapos na ang termino nito sa 2013.

Ayon kay Cruz, malaki ang maitutulong ni Lacson lalo na sa hanay ng pulisya sa pagsugpo ng krimen at iligal na sugal tulad ng jueteng.

Giit pa ng arsobispo, tested o subok na ang trabaho ng senador at napatunayan na niya ito noong siya pa ang hepe ng PNP.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply