Political courage

TAPOS na ang botohan. Napatalsik na sa pagiging Punong Mahistrado si Renato Corona. Bahagi na ito ng ating makulay na kasaysayan. Ang mga taong naging bahagi nito ay may kani-kanilang experience na maikukuwento nila sa mga anak, sa mga apo. And so on and so forth ika nga. Secure na ang kanilang puwesto sa kasaysayan.

Si Senate President Juan Ponce Enrile at mga senador, si House Speaker Feliciano Belmonte Jr. at mga representative, mga abogado ng magkabilang panig, testigo, media at iba pa. Higit sa lahat, ang sentro ng issue, si Chief Justice Renato Corona. Unang nahatulan ng guilty sa isang impeachment case.

Isa-isa kong sinuri ang mga senator-judge sa kanilang boto. At hindi naman ako nagulat na ganoon ang magiging hatol ng bawat isa.

Bagamat ang sinabi nilang basehan ng kanilang desisyon ay iba, sa isang mapanuring political analyst ay maliwanag na pulitika pa rin ang isa, kung meron pa nga bang iba, na consideration ng paghatol ng guilty.

Pero ganoon pa man, may pulitika o wala, mahirap din para sa mga senator-judge na humatol sa isang tao lalo na’t wala naman silang sapat na karanasan sa paghahatol. Kaya lamang isang “constitutional duty” ito para sa kanila. At kasaysayan ang maghuhusga kung naging tama ba ang hatol ng bawat isa.

Aminin natin na ang botong GUILTY ay safe na boto. Unpopular si Corona, at nabuo na sa isipan ng tao na may kasalanan siya at dapat parusahan. Dahil ang mga senador ay binoto ng tao, tama lang na pulsuhan nila ang damdamin ng taumbayan.

Tanging si Sentor Judge Tito Sotto lamang ang umamin na dapat din pakinggan ang tao dahil sila ang mga halal ng tao. Ibig sabihin DAPAT ANG TAO sa pamamagitan nilang SENADOR ang dapat humatol.

Tatlo ang salungat sa guilty verdict. Si Sen. Joker Arroyo, Miriam Defensor-Santiago at Bongbong Marcos. Masasabing paretiro na sa pulitika sina Sen. Joker at Sen. Miriam. Hindi na nila inintindi kung popular ang kanilang paninindigan.

Ang importante ay sinunod nila ang dikta ng kanilang konsensya. ‘Di man tayo sang-ayon sa boto nila, ay kailangan ding pakinggan ang boses nila.
Pero si Sen. Bongbong Marcos, ang pulitika niya ay mainit pa. Ngayon pa lamang ay binibilang na siya na “maaring maging pangulo ng Pilipinas.”

Anak siya ng dating Pangulong Ferdinand Marcos at ano man ang naging mapait na karanasan ng bayan sa panunungkulan ng kanyang ama, ito ay limot na o kaya’y hindi mo maaring ibintang sa anak.

May sariling identity si Sen. Bongbong Marcos. Ang boto niyang NOT GUILTY ay narinig natin nang tambak na sa bilang ang “guilty” sa “not guilty” vote. Ika nga ay noong siya na ang boboto ay alam na rin niya na ang “not guilty” vote niya ay talo na rin.

Pero pinakita ni Sen. Bongbong Marcos na hindi “pulitika” ang kanyang iniisip kung hindi “hustisya.” ‘Di man tayo sang-ayon sa hatol niya, hanga naman tayo sa tapang niya.

Hindi ko makalilimutan ang political courage na ito ni Sen. Bongbong Marcos. At sa kanyang pagtahak sa mas mataas na larangan ng pulitika ay babalikan ko ang tapang na pinakita niya.

Ang “political courage” na ito ay isang katangiang kailangan sa ating mga nanunungkulan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply