Preso nangulila sa misis, tumalon sa rooftop ng Cebu City Jail

TUMALON ang isang preso mula sa rooftop ng Cebu City Jail (CCJ) para makatakas at makita ang kanyang misis kaninang umaga (Hunyo 16) sa nasabing lunsod.

Isinugod sa Cebu City Medical Center si Joey Ceniza, 21anyos, residente ng lungsod ng Tuburan, Cebu sanhi ng putok sa ulo at pagkabali ng kanang braso.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong alas 8:30 ng umaga sa ika-apat na palapag o rooftop ng naturang kulungan.

Una rito, sinasabing hindi dinalaw si Ceniza ng kanyang misis kaya nagplano itong tumakas pero wala itong makitang paraan para maikasa ang kanyang maitim na balak.

Ayon naman kay Cebu City Jail Warden Supt. Johnson Calub, sa pag-aakalang hindi masasaktan at iyon lang ang nakikitang paraan para makatakas, tumalon si Ceniza mula sa rooftop.

Idineretso naman sa pagamutan ang naturang preso matapos hindi makatayo sanhi ng tinamong putok sa ulo at bali sa kamay.

Si Ceniza ay nahaharap sa kasong pagpuslit ng iligal na droga.

Balak naman ni Calub na ipasundo ang misis ni Ceniza para mapakalma ito at mapanatag ang kalooban kapag gumaling na ito.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply