Proyekto ng SC bubusisiin ng WB

BUBUSISIIN ng mga opisyal ng World Bank ang mga detalye kung paano nagamit  ng Korte Suprema ang bahagi ng pautang na kanilang ipinagkaloob para sa Judicial Reform Support Project o JRSP.

Ayon kay Court Administrator Midas Marquez, inaasahan nilang ngayong Hunyo darating ang mga opisyal ng world bank.

Partikular umanong tatalakayin sa pagbabalik sa bansa ng mga opisyal ng WB ang ipinalabas nilang aide memoire noong Disyembre na kumukwestiyon kung paano nagastos ang halos 200 libong dolyar na katumbas ng P8 Milyon na bahagi ng 21.9 million dollars na pautang ng WB para sa JRSP.

Ang project management office ng KS na nangasiwa sa paggamit ng pondo ang magpapaliwanag sa WB, bagamat sinabi ni Marquez na maari rin siyang ipatawag para magbigay sa linaw sa bahagi ng pondo na nagastos ng Office of the Court Administrator.

Kaagad namang nilinaw ni Marquez na walang anomalya sa paggastos ng pondo, at nakahanda silang patunayan iyon dahil dokumentado naman ang lahat ng transaksyon na pinaggamitan ng pondo.

Ginawa ni Marquez ang paglilinaw makaraang tukuyin ng Malacañang sa pamamagitan ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na ang nag-leak na aide memoire ng World Bank ang maaring maging daan para mapatalsik din sa pwesto si Marquez.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply