Pulisya, barangay inutil vs patayan, nakawan, rugby boys

RAMPANT daw ang nakawan ng mga bakal diyan sa may tapat ng palengke ng Alabang, Muntinlupa City, pero wala raw aksyon dito ang pulisya at ang mga barangay official.

Sa sumbong ng mga security guard ng mga  gusali at establishment na  nasa paligid ng nasabing palengke, talamak na raw ang mga nakawan ng bakal diyan ngunit bulag at bingi rito ang pulisya at barangay.

Kahit daw nakikita na ng mga barangay na may nagaganap na nakawan ng bakal sa may palengke ay tinitingnan lang daw ng mga tagabarangay ang ikinikilos ng mga kawatan na sinasabing may mga dala pang baril o patalim.

Hindi kaya may taong nasa likod ng mga nakawan dito? Ano sa palagay n’yo, Alabang Police Chief, S/Supt. Ramiro Bausa?

Hindi lang pala nakawan ang problema riyan sa Alabang kundi ang sunod-sunod na patayan diyan mismo sa tapat ng city hall, news blackout daw ito dahil sa utos ng kanilang mayor. Wala raw pulis na makikita kapag may krimen na nagaganap at ang isa sa mga dahilan ay ang pagbabawal umano sa kanilang manghuli lalo na kapag droga na ang sangkot.

Sinasabing kaya raw bawal manghuli ang pulis sa Alabang ay dahil  baka ang kanilang mahuli ay ang mga nakalinya sa drugs at ito ay siguradong aarborin naman ng ama ng isang mataas na opisyal ng city hall.

Bukod sa mga nakawan at patayan, isa pang problema rito ang mga rugby boy na pakalat-kalat sa ilalim ng Skyway sa may palengke.

Hindi ako magtataka kung bakit inutil ang mga opisyal ng barangay rito dahil inutil din naman pala ang pamunuan ng pulisya na sa mga simpleng krimen ay hindi kayang kontrolin gayung napakaraming pulis diyan.

NCRPO chief, Alan Purisima, sir, maraming opisyal ang nakatengga riyan sa Bicutan ngayon, ano bang mayroon itong si Col. Bausa at hindi ninyo mapalit-palitan? ‘Yang mga ganyang inutil na opisyal, ang dapat diyan ay ilagay na lang sa loob ng Kamp Crame para doon magpalaki ng kanilang mga y…..s.

Nakuuuu, talaga namang nakaha-high blood kapag nakaririnig ka ng mga ganitong reklamo mula sa mga residente lalo na ‘yung mga nagbabayad naman ng tama ng kanilang tax.

Ano na ang nangyari sa tuwid na daan ni Pangulong Noy, dinaig na yata ang Kennon Road sa pagiging zigzag na daan.

Bukas po ang Lily’s Files para  sa inyong mga reklamo, suhestiyon at komento,  mag-text lang po sa 09155683000 at 09087230036  o kaya ay mag-email lang sa …lily_reyes13@yahoo.com…

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply