Sablay na PR move

KAMAKAILAN lang ay ipinagyabang ng administrasyong Aquino ang ginawa nitong pagbibigay ng US$1 bilyon na may katumbas na halagang P42.26 bilyon sa pondo ng International Monetary Fund (IMF).

Gagamitin kasi ng IMF ang pondo na pandagdag para isalba naman ang naghihingalong ekonomiya ng ilang mga dating astig na mga bansa sa Europa gaya ng Spain at Greece.

At para naman magmukhang pogi ang administrasyon ay ibinandera nito sa mga pahayagan ang ginawa nilang pagpapaluwal sa IMF.

Ang inaasahan sigurong reaksyon ng mga spin doctors ng palasyo ay matutuwa ang marami sa ating mga kababayan dahil ang ibig sabihin nito ay gumaganda na ang ekonomiya natin sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Pero sa halip na papuri ay puro batikos ang inabot ng pamahalaan mula ibat-ibang sektor ng pamayanan.

Isa sa mga umangal ay ang mga nasa sektor ng edukasyon gaya ni ACT Teachers party list Rep. Antonio Tinio at maging ang League of Filipino Students (LFS).

Sinabi ni Tinio na sa halip na ibinigay sa IMF ay dapat inilaan na lang ang halaga sa pagbibigay ng dagdag na 16.3% para pangtustos sa sektor ng edukasyon at sa pagpapatupad ng K to 12 Program.

Ako man ay hindi ko rin maintindihan kung bakit ang bansang gaya natin na nagbibigay lang P3,000.00 suweldo kada buwan sa ating mga guro ay kailangang tumulong sa mga bansang ang suweldong ibinibigay sa kanilang mga titser at mga laborer ay 20 beses pang doble keysa sa atin.

Kaya nga ang daming nagpupunta sa ibang bansa ay dahil gusto nilang makakuha ng mataas na suweldo para mas mabilis silang umasenso.

Mas aprub sana sa mga pinoy kung ang bilyon-bilyong pera na iyon ay ginamit na lang sa pagpapagawa ng mga eskuwelahan, mga pabrika at  pagbibigay benepisyo at serbisyo sa napakaraming mahihirap nating mga kababayan.

Isipin na lang na kapos na nga ang pondo ng pamahalaan para sa kalusugan , edukasyon at iba pang serbisyo tapos ang lakas pa ng loob natin na maglabas ng ganun kalaking halaga.

Higit kasi sa anomang PR strategy ang totoong nangyayari at nararanasan ng taumbayan ang dapat isaalang-alang ng mga opisyales ng ating pamahalaan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply