Saludo ako sa CAB

MABUTI naman at natauhan na rin ang mga opisyal ng pamahalaan na may direktang kontrol sa mga aktibidad ng iba’t ibang kompanya ng eroplano rito sa bansa.

Partikular na rito ang Civil Aeronautics Board (CAB) na nagpalabas na rin ng utos sa wakas para hadlangan ang mga pang-aabuso na ginagawa ng mga airline company sa kanilang mga pasahero.

Saludo ako sa  resolusyon na pinalabas ng CAB na kung saan ay sinuspinde nila ang polisiya ng mga airline firm hinggil sa overbooking ng domestic flights.

Nagiging resulta kasi ng mga overbooking na ito ang kanselasyon ng mga flight kahit hindi kasalanan ng mga pasahero.

Kadalasang hindi naman pumapayag ang mga airline sa re-booking at pagtangging i-accommodate nang maayos ang mga pasaherong nabigong sumakay sa kanilang scheduled flight.

Ayon kay CAB Executive Director Carmelo Arcilla, layunin ng resolusyon na maisakay ang mga nakatakdang pasahero ng isang flight at makaalis sa oras ang mga eroplano.

Bago kasi lumabas ang nabanggit na resolusyon, sanrekwang reklamo ang laging inaabot ng CAB mula sa mga pasahero na naging biktima ng overbooking ng mga abusadong airline.

Maliban pa rito ang grabeng delay ng air traffic dahil hindi na nga makayanan ng mga paliparan ang napakaraming flight na bunga ng promo fares ng airlines.

Naalala ko tuloy ang reklamo ng kaibigan kong si Gil B. na minsan nang nabiktima ng offloading dahil na rin sa over-booking ng local air firm na Cebu Pacific.

Base sa kuwento ni Gil ay papunta siya ng Boracay para mag-weekend get-away kasama ang kanyang tsitsing pero na late sila ng dating ng ilang minuto bago makapasok sa boarding area.

Laking gulat niya nang hindi na sila pinayagang mag-board sa flight nila kahit hindi pa naman nakaaalis ang eroplano dahil ang katuwiran ng staff ng Cebu Pacific ay fully booked na raw at wala na silang mauupuan ng syota nita.

Walang nagawa si Gil kundi tingnan na lang habang papalayo ang eroplano at kasabay na rin doon ang paglaho ng pag-asa niya na maging maaksyon ang weekend sa Boracay kasama ang syota niya.

Ang kaso ni Gil ay isa lamang sa libo-libong reklamo na natatanggap ng CAB kung kaya’t dapat lamang talagang putulin na ang kalokohan ng mga airline.

Sa mga taga CAB saludo po ako sa inyo.

Mabuhay kayo!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply