Sangguniang Kabataan

MATAGAL nang pinag-iisipan ng ilang mambabatas ang pag-amyenda ng Local Government Code upang i-abolish ang Sangguniang Kabataan (SK). Sang-ayon sa mga mambabatas ay nagiging “training ground” lang ito sa kabataan na maging corrupt. Na sa murang edad ay na eexpose na sila sa masamang pamumulitika at ilan mga sa kanila ay nakasuhan na ng graft and corruption “SO YOUNG YET SO CORRUPT” sabi nga nila.

Pero sa SK lang ba ang corruption sa gobyerno? Kung bubuwagin ito dahil sa corruption eh di dapat ang buwagin na sa atin ay kongreso, konseho at barangay, mga departamento ng gobyerno dahil sa lahat naman sangay ng pamahalaan ay may corruption. O baka naman kaya sa SK lang ang dapat buwagin dahil sa corruption ay sa kadahilanan puede na maging corrupt pag nasa hustong gulang ka na? In the first place may corruption nga ba  sa SK?

Noong majority flooe leader ako ng konseho ng lungsod Quezon, isang pangunahing trabaho namin ay ang bumalangkas ng budget ng lungsod at ang pagkumpirma ng budget ng mga barangay kasama ang budget ng SK. Sa pagtatanong naming sa SK Chairman tungkol sa knayang budget ay nalalantad paminsan minsan ang mga “karagdagang provision” sa kanilang budget at kadalasan ay “turo” ito ng kanyang kapitan. Ibig sabihin ang nagtuturo sa SK ay ang barangay captain lalo na kung ang SK Chairman ay anak o kamag-anakan ng kapitan.

Isa sa masusing nagtatanong ay ang kaibigan kong si Konsehal Bong Suntay na kasalukuyang Majority Floor Leader. Bakit ba laging “basketball” uniform at gastos sa liga napupunta ang malaking bahagi ng budget nila? Bakit may mga nakalaan na budget sa pagbili ng mga office supplies na “overpriced”. Nakakalungkot na ilan nga sa mga SK ay may Ombudsman case na! At alam na rin nila ang porsyento sa SOP! Pinapayuhan naming ni Kon. Bong Suntay ang mga ito na baguhin ang budget nila at ang laging sagot ay “Tanong ko po kay Kapitan.”

Maaga rin namumulat ang mga SK sa masamang pamumulitika dahil sa ang SK Chairman ay umuupo sa barangay council, kasabay ito ng barangay elections. Ang luma at pangit na pamumulitika ang nagiging paraan sa paghalal sa SK. Nauso na rin diyan ang Vote buying! Naku lalo na sa pagboto ng SK President. Ito kasi ang umuupo na konsehal sa konseho. Ang mga magulang at kaalyado ng mga politiko ang nagpapa-outing na sa mga SK, binibigyan kuno ng “pabaon” pero ang totoo ay suhol ito para iboto ang isang kandidato.

Pero meron din naman mga naging mahusay na SK. Ang iba nga ay konsehal na tulad ng kaibigan nating si Marvin Rillo. At mga kapitan na tulad nila Vincent Saab, Jayson Encomienda at Kris Adraneda ng Quezon City. May mga kilala rin tao na naging abogado na.

So dapat bang i-abolish ang SK o dapat lamang baguhin ang pamamaraan ng paghalal sa kanila. Dapat bang bigyan sila ng budget na magsisilbing tukso ng corruption? Dapat bang itaas ang edad ng pwedeng maging SK, let’s say 21 pataas upang sagayon ay hindi teenager pa lang ay exposed na sa dumi ng pulitika? Maganda ay layunin ng Sangguniang Kabataan. Kung tama lang ang sistema at hindi nakikialam ang mga pulitiko sa pamamalakald nila ay makakahubog tayo ng mga mahuhusay na lider galing sa hanay ng kabataan. Reporma lang marahil ang kailangan at hindi tuluyan buwagin ang Sangguniang Kabataan.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply