Sanglaan nilooban; P2-M alahas at cash tinangay

TINATAYANG mahigit P2-milyon halaga ng cash at iba’t ibang klase ng mga alahas ang natangay ng ng mga kawatan mula sa isang sanglaan sa Pasay City, kagabi (Hunyo 18).

Ayon sa report, nakapasok ang mga kawatan sa pamamagitan ng paghuhukay mula sa imburnal patungo sa loob ng sanglaan.

Nadiskubre lamang ni Mariel Linajeras, 24, security guard ng Ablaza Pawnshop na nasa 105 P. Santos St., malapit sa Edsa Malibay ang panloloob nang buksan niya ang naturang establisimyento dakong alas-6:45 kaninang umaga.

Batay sa imbestigasyon ng mga tauhan ni Chief Insp. Joey Goforth, hepe ng Investigation Division ng Pasay police, posibleng magdamag na hinukay ng mga suspek mula sa imburnal ang daan patungo sa loob ng sanglaan na kanilang itinaon na malambot ang lupa dahil sa pabugso-bugsong buhos ng ulan hanggang makagawa ng butas papasok sa loob ng establisimyento.

Sa salaysay naman ng kaherang si Marife Lopez, 23, nagawang mabuksan ng mga kawatan ang kaha-de yero na pinaglalagyan ng mga natangay na alahas at P200,000 cash sa pamamagitan ng paggamit ng bareta de cabra, cutter, pliers at screw drivers na iniwan ng mga suspek sa loob ng establisimyento.

Nakuha rin sa imburnal ang heavy duty car jack na ginamit din ng mga suspek upang madaling makagawa ng butas patungo sa loob ng pawnshop.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply