Si Butchoy at magagaling na pulis

HABANG tinitipa natin ito, nasa layong 500 kilometro sa repablik ni Juan ang bagyong si Butchoy. Nasa Dagat Pasipiko ito at patungo sa Okinawa, Japan.

Sabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, sa loob ng 24 hanggang 36 oras, hindi makaaapekto sa Pinas si Butchoy dahil mabilis itong lumalayo  mula sa tapat ng Virac, Catanduanes.

Salamat naman kung ganito ang mangyayari pero dapat na maghanda pa rin tayo.

Baka biglang magbago ng isip ang diyaskeng bagyo at bumalik sa Pinas.

Noon nga lang  Oktubre 2009 ay nangyari ito.

Papalabas na ang bagyong Parma ngunit bumalik ito sa Pinas nang hatakin siya ng bagong bagyong Melor.

Hayun at mahigit dalawang linggo silang nanalasa sa buong Luzon noon.

Susme, paano kung mangyari ito kay Butchoy na may lakas pa mandin na 160 kilometrong hangin kada oras?

oOo

Nasaan nga pala ang mga awtoridad na inaasahang aalalay kay Juan sa panahon ng mga bagyo?

Sabi ni PNP chief Nick Bartolome, naglulunsad na sila ng mga treyning sa mga pulis na lumaban sa mga bagyo at bilang protektor na rin ng mamamayan sa tagbagyo.

Aba maganda yan, Heneral.

Sa sumbong ni Juan, magaling sa moneyobrahan ang maraming pulis. Tingnan ninyo, kumikita ang mga ito sa pagpara ng mga dyipni, motorsiklo, bus at deliberi trak.

Kumikita rin ang mga ito sa bangketa laban sa mga vendor, pusher at user.

Kung gagamitin lang ang galing ng mga ito sa moneyobrahan laban sa bagyo, malaking tulong yan kay Juan.

Hindi nga dapat na laban lang sa krimen ang gawain ng mga ito.

Marami ang pagkakataon, kalahating taong tag-bagyo pa nga, na sila’y kailangan para sa mga pangkaligtasang gawain.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply