Sieber kumubra ng gold sa doubles sa F3 futures

KUMUBRA muli ng gold medal si Filipino-German Marc Sieber nang maghari sa doubles event ng 2012 Slovenia F3 Futures tournament na idinaos sa Tkas Tennis Club sa Litija, Slovenia.

Nagtulong sina Sieber at Steven Moneke ng Germany para sungkitin ang  6-2, 2-6, 10-8 na pagwawagi kontra kina Daniel Garza ng Mexico at Thanassi Kokkinakis ng Australia sa final.

Ipinahiya muna ng 4th seeded pair nina Sieber at Moneke ang Slovenian netters na sina Blaz Bizjak at Nik Razborsek sa semis sa iskor na  6-3, 6-7 (2), 14-12 at nagbida rin ang mga ito kontra isa pang Slovenian pair na sina Janos Zibrat at Tim Zibrat sa q’finals sa matikas na pagtatapos ng 6-2, 6-0 panalo.

Naitakda nina Garza at Kokkinakis ang pakikipagtuos kina Sieber at Moneke nang gulatin ang top seed na sina Lewis Burton ng Great Britain at Juho Paukku ng Finland sa magkahiwalay na semifinals game,  6-1, 6-4.

Pangatlong sunod na medalya na ito ni Sieber ngayong 2012 nang magkampeon sa singles event ng Moselle Open $10,000 International Tennis Federation tournament at sa 27th Hofkirchener Tennis Tournament -Cup Troiber 2012.

Sunod na hahataw si Sieber sa ilan pang Futures tournament upang mapataas ang puwesto sa Association of Tennis Professionals (ATP) rankings. Kasalukuyang  nasa ika-408 puwesto.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply