Puganteng Koreanong nagtatago sa Pinas, ipatutugis sa NBI, Interpol

DAHIL sa umano’y kapabayaan ng Bureau of Immigration (BI) na panagutin sa batas ang mga dayuhang puganteng na nagtatago sa Pilipinas, nagpasya ang Korean embassy sa Maynila na ipasa na lamang sa ibang tanggapan ng pamahalaan ang responsibilidad na hulihin ang mga Korean national na tinakasan ang kanilang kaso sa South Korea.

Sa nakalap na impormasyon mula sa embahada kahapon, nagpalabas umano ng direktiba si South Korean Ambassador Hye Min Lee na idaan na lamang sa National Bureau of Investigation (NBI) at sa International Police (Interpol) ang panghuhuli sa mga Koreanong nagtatago sa Pilipinas.

Ayon pa sa source mula sa embahada, isinumbong din ni Hye kay Pangulong Arroyo ang kapabayaan ng mga immigration official sa pagtakas ni Korean fugitive Kim Tae Dong habang nasa ‘hospital arrest’ sa Saint Luke’s hospital sa Taguig City noong Disyembre 24, 2011.

Ginawa ni Lee ang pagsusumbong kay Aquino nang magkita ang dalawa sa ginanap na tradisyunal na ‘vin d’honneur’ sa Malakanyang noong Martes.

Naniniwala rin ang mga opisyal ng South Korean embassy na naging ‘lamat’ sa relasyon nila sa Bureau of Immigration ang ginawang ‘pagpapatakas’ kay Kim, bagama’t sa kabuuan ay matatag pa rin ang diplomatikong relasyon ng South Korea at ng Pilipinas.

Dismayado rin ang embahada sa liderato n Immigration Commissioner Ricardo David Jr. dahil sa pagtanggi ng huli na paunlakan ang hinihiling na diyalogo upang maipaabot dito ang mga problemang hinaharap ng kanilang kababayan sa pag-aasikaso ng kanilang visa sa Pilipinas.

Ayaw naman kumpirmahin ng immigration official kung patuloy pa rin silang nagta-trabaho para manghuli ng mga Koreanong pinaghahanap ng batas sa South Korea.

Ayon kay BI-Fugitive Search Unit (FSU) Armelo De Castro, ‘confidential’ ang trabaho ng kanilang grupo kaya hindi nila masasabi kung sinu-sino ang mga dayuhang pugante ang kanilang tinututukan.

Sinuportahan din ng embahada ang panawagan kay Justice Seretary Leila De Lima na ilabas na sa publiko ang resulta ng isinagawang imbestigasyon sa pagtakas ni Kim sa kamay ng mga immigration jail guard habang nagpapagmot sa nasabing ospital.

Ayon pa sa isang opisyal na tumangging pangalanan, bagama’t umaasa pa rin sila na maihaharap si Kim sa korte sa Seoul, South Korea sa kasong swindling, kailangan naman matuldukan na ang usapin sa pagtakas ng kanilang kababayan dahil na rin sa napaulat na binayaran umano ni Kim ang ilan immigration officials upang makapuga.

“We need a closure to this alleged bribery issue because it causes cracks on the relationship between the embassy and the bureau,” dagdag pa ng opisyal.

Batay sa mga napaulat, umabot sa US$10 million ang binayad umano ni Kim upang maging ‘pipi’t bingi’ ang ilan matataas na opisyal sa kawanihan, kabilang na ang isang senior immigration official na nakabili umano ng mamamahaling Bavarian Motor Works AG o mas kilala sa tawag na BMW sa halagang P5M.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply