Speech pathologist succeeds

GALING ng Filipino, ipinakita sa Indonesia! Pinatunayan ng Filipinong si Albert Arcenas na bagama’t kakaiba at hindi pa gaanong kilala sa Pilipinas ang kursong Speech Pathology ay magagawa niyang magtagumpay at kilalanin sa bansang Indonesia.

Karaniwang tinutuya at pi-nagtatawanan ang mga taong bulol at utal, kung kaya’t malaking bagay ang maintindihan natin ang kanilang kalagayan at kung paano ito maaaring solusyunan. Sa tulong ng isang speech pathologist ang mga problemang gaya ng pagkabulol at pagkautal ay maaring ayusin at itama.

Isang speech pathologist si Albert, nagtapos siya ng kursong Speech Pathology sa University of the Philippines. Sa kabila ng hindi gaanong kilala at bihira ang kumukuha ng nasabing kurso ay pinili ni Albert na ipagpatuloy ang pagkuha ng kursong ito sapagkat bata pa lamang siya ay alam na niyang narito ang passion at hilig niya. Matiyaga niyang ipinaliliwanag sa mga nagtatanong, maging sa kanyang pamilya, kung ano ang speech pathology at kung ano ang ginagawa nito.

Ayon kay Albert, marami sa mga Filipino ang hindi pamilyar sa kursong ito, at sa katunayan ay walo lamang silang magkakaklase noong nasa kolehiyo. Nanatili ang passion ni Albert at patuloy siyang nagsikap at nagtiyaga para sa karerang kanyang tinatahak, sa kabila ng kakaibang training at pag-aaral na kanyang pinagdaanan.

Nang makapagtapos, pumasok siya at nagtrabaho sa isang pre-school sa Maynila bilang isang speech therapist. Naranasan din niyang magtrabaho sa Lourdes Hospital kung saan ay tinutulungan niya hindi lamang ang mga batang may problema sa pagsasalita gaya ng pagkautal at pagkabulol, kundi maging ang mga matatandang na-stroke.

Kuntento at masaya na siya sa kanyang trabaho at paglilingkod sa ating mga kababayang may suliranin nang isang oportunidad para makarating sa Indonesia ang nagbukas para sa kanya.

Nabuksan ang oportunidad na iyon nang magbukas ang isang Australian International School sa Indonesia na pagmamay-ari ni Penny Robinson at mangailangan iyon ng isang speech therapist o speech pathologist, at dahil nga sa bihira ang nakapagtapos ng kursong ito, agad na nakuha at nakapagtrabaho si Albert sa Jakarta, Indonesia.

Sa kasalukuyan ay patuloy siyang nakikipagsapalaran at nagtatrabaho roon bilang isang speech pathologist, ayon sa kanya tiwala sa sarili at tiyaga ang naging puhunan niya sa tagumpay na kanyang tinatamasa.

Sa buhay, iba’t iba ang karerang nais nating tahakin at takbuhin, maaring gaya ito ng iba o maari rin namang naiiba sa iba, subalit ang mahalaga ay marunong tayong mangarap at manindigan kasabay ng pagkakaroon ng tiwala sa sarili at tiyaga, gaya ni Albert Arcenas na isang successful speech pathologist sa Indonesia.

*******

Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa IBC13 tuwing Huwebes, 11:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply