Sulu gov. umapela sa pagkawala ni Atyani, 2 pa

UMAPELA na si Sulu Governor Abdulsakur Tan sa publiko at sa mga miyembro ng local media na huwag nang palakihin pa ang usapin sa Jordanian journalist na hawak ngayon ng bandidong grupong Abu Sayyaf dahil sa pangambang magresulta ito ng negatibong epekto sa turismo ng
bansa.

Ayon kay Tan, naglaan na ang pamahalaan ng P2 bilyon upang pagandahin ang turismo sa kanilang lugar ngunit posibleng maunsyami ito dahil sa nangyaring pagkawala ni Baker Abdulla Atyani kasama na ang dalawang Pinoy crew nito.

Sa kabila nito nilinaw naman ng Philippine National Police (PNP) na wala pang katiyakan ang balitang hawak ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang nawawalang Jordanian journalist at dalawang crew sa Sulu.

Sinabi ni PNP spokesman Senior Superintendent Generoso Cerbo Jr., kinukonsidera nila ang report na posibleng dinukot nga ng Abu Sayyaf si Atyani at dalawang crew nito.

Sinabi ni Cerbo na patuloy na kumikilos at nangangalap ng impormasyon ang PNP para mahanap ang kinaroroonan at matiyak na ligtas ang Jordanian at dalawang Pinoy na nawawala.

Samantala, dini-discourage ng PNP ang pagtungo ng mga mamamahayag sa mga delikadong lugar lalo na sa mga balwarte ng mga rebelde kaugnay ng pagkawala ng Jordanian journalist at crew nito.

Sinabi ni Cerbo, hindi nila maaaring pagbawalan ang mga mamamahayag na gawin ang mga mapanganib na pangangalap ng istorya dahil sa paglabag aniya ito sa karapatan ng pamamahayag.

Gayunman, sinabi ni Cerbo na mas mainam kung iwasan na lamang ang mga lugar na pinagkukutaan ng mga rebelde para sa kaligtasan ng mga ito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply