Sunod-sunod na bagyo at calamity funds

NAKALAYO-LAYO na ang bagyong Butchoy patungong Japan.

Sabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, bukas ganap na wala na sa Philippine Area of Responsibility si Butchoy.

Pero kaaalis lang nito, heto’t may papasok na namang bagyo sa PAR at sa kanluran ito daraan naman.

Diyan sa West Philippine Sea.

Kaya kung tuloy-tuloy na pahilaga ito, tatama sa Taiwan at Tsina naman.

BUTCHOY AT HABAGAT

Nang hinatak ni Butchoy ang Habagat na may namumuong bagyo, niyari tayo ng mga disgrasya at baha.

Isang barko, ang MV Josille II, ang lumubog sa El Nido, Palawan.

Hanggang sa isinusulat natin ito, may mga ulat pa ukol sa mga bangkay na natatagpuan na maaaring nanggaling sa lumubog na barkong MV Josille II.

Sabi ng mga awtoridad, isang lalaki na nakapantalon ng maong at isang babae na maaaring dalaga na hubo’t hubad.

Masuwerte naman, mga Bro, ang mga binaha at sinalanta ni Butchoy sa gitna ng mga karagatan na nailigtas sa kamatayan.

Kahit na dumanas sila ng mga hindi masukat na paghihirap.

CARINA AT HABAGAT

Kapag hinatak naman ng bagong bagyong si Carina ang Habagat sa lahat ng sulok ng Pinas, ano naman ang aasahan natin?

Maaaring magiging katulad ng kalagayan natin nang dumaan si Butchoy.

Magiging masungit ang mga karagatan sa palibot ng mahal kong Pinas.

Maaaring lalala ang mga malalakas na pag-ulan at lilikha ang mga ito ng mga baha at landslide.

Maaaring maulit na naman ang disgrasya sa karagatan.

At maaaring maulit ang mga disgrasya sanhi ng mga baha at landslide.

Ang tanong, eh, magbibilang na naman ba tayo ng mga patay?

Sana naman hindi mangyari ito.

HUWAG MATIGAS ANG ULO

‘Yang disgrasya na banta sa buhay, mga Bro, ang isa sa mga pinakamahalaga sa mga panahon ng bagyo.

Kapag namatay tayo dahil sa disgrasya, tapos na ang lahat ng mga kasaysayan natin.

Goodbye sa pag-ibig, sa mahal nating mga misis at anak, magulang, kaibigan at kaaway.Goodbye rin sa ating mga kapitbahay, sa ating mga pangarap hindi lang para sa ating mga sarili kundi para sa iba.

Kaya nga, kapag may babala na ang PAGASA at iba pang mga awtoridad ukol sa mga bagyo, Habagat, baha at landslide, huwag tayong magtigas-tigasan.

Makinig at sumunod tayo sa kanilang mga habilin, kabilang na ang pagiging alerto at mapaghanda sa disgrasya, paglilikas at hindi pagpalaot sa mga karagatan.

MGA ANIMAL NA PIRATA

May kalaban nga lang ang mamamayan sa kanilang paglilikas at pagtakas sa kamatayan at kasiraan.

Ang mga pirata, ang mga kawatan.

Pagtalikod nila kasi sa kanilang mga tahanan o ari-arian, sumusulpot ang mga pirata at kawatan.

Maraming ganitong demonyo sa Marikina, sa Laguna Lake, sa mga baybaying dagat at kahit sa gitna ng mga karagatan.

Marami ring mga pirata at kawatan kahit sa mga kalupaan na posibleng doon mangyari ang mga landslide, kahit pa sa mga kalunsuran at kabayanan.

Kaya kahit anong mga babala ang ginagawa ng mga awtoridad para sa kaligtasan sa oras ng bagyo, habagat, baha at landslide, mahirap bunutin sa kanilang mga tahanan ang mamamayan.

Paano naman kasi, paglipas ng mga sakuna na ito, ang kanilang mga babalikang ari-arian ang pagsisimulan din nila ng buhay.

AYUDANG LUGAW

Napakahirap talaga ang kalagayan ng mamamayan sa mga oras at pagkatapos ng sakuna.

Kung wala ang mga pribadong tao at organisasyon na tumutulong sa mga nasasalanta, hanggang lugaw at sardinas na lamang ang maibibigay ng pamahalaan.

Ito’y sa kabila ng bilyon-bilyong budyet ng pamahalaan para umano sa mga mahihirap.

Kaya naman ganun na lamang kung itali ng mamamayan ang kanilang mga sarili sa kanilang ikinabubuhay.

Higit na mabubuhay sila sa kanilang sariling mga ari-arian at pagsisikap kaysa umasa sa pamahalaan na kung magmalaki ay sobra-sobra umano ang biyayang ibinibigay nito sa mamamayan.

PONDONG PANGKALAMIDAD

Maalala nga pala natin, mga Bro, ang batas sa calamity fund.

Sinasabing hanggang limang porsyento lang ng kabuuang badyet ng pambansang pamahalaan at mga lokal na pamahalaan ang pondong pangkalamidad.

‘Yun bang === ang Palasyo at ang mga pamahalaang panlalawigan, pansiyudad, pambayan at pambarangay ay may kanya-kanyang limang porsyento para sa kalamidad.

Batay sa karanasan, mga Bro, na laging nauubusan nang maaga ang mga pamahalaang lokal ng calamity fund, may pagkilos na ba ang Kongreso para baguhin ang batas sa calamity fund?

Sa dami kasi ng mga bagyo na dumaraan sa bansa, sa dami ng mga baha at landslide na nagaganap, sa dami ng mga sakit gaya ng dengue na nangyayari, maraming lokal na pamahalaan ang agad na nauubusan ng pondo laban sa kalamidad.

O kayong mga senador at kinatawan, wala ba kayong balak na itaas ang halaga ng calamity fund sa lahat ng lokal na pamahalaan?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply