Susi sa Kalayaan ng bansa

MAY tatlong linggo bago pa ang pagdedeklara ng kalayaan ng ating bansa may 114 na taon na ang nakalilipas ay isinilang na ang kauna-unahang hukbong pandagat ng ating bansa.

Kasunod nito, matatandaan na sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa ating kasaysayan ay malaking papel ang ginampanan ng Hukbong Dagat ng Pilipinas sa pagkakatatag ng ating republika.

Lulan ng isang maliit na barko, ang kauna-unahang Pangulo ng ating bansa at ang pagkakaluklok ng ating watawat sa unang pagkakataon sa barkong ito noon sa Kabite (bago pa man sa mansyon ng mga Aguinaldo sa Kawit) ay naging tanda na nalalapit na ang pagsilang ng ating republika.

Makikita sa kaganapang ito na sa dagat nagkaroon ng simulain ang pagsilang ng ating republika at maihahambing din naman ito sa insidente sa Mactan na siyang naging simbolo ng unang labanan upang ipagtatanggol ang ating kalayaan at kung saan unang nakatanggap ng masaklap na pagkatalo ang mga manakop sa kamay ng mga Filipino.

Hindi katakataka ngayon na ang Hukbong Dagat ang naging susi sa pagkakatatag ng ating republika noon. Maliwanag na ang ating bansa ay isang bansang pandagat kaya’t ano pa at ang karagatan ang nagsisilbing daan tungo sa mga makasaysayang kaganapan na bumuo ng ating kasarinlan at sa ating bansa mismo.

Kasabay ng pagsilang ng ating bansa at ng ating kasarinlan ay ang pagsilang ng ating Hukbong Dagat.

Noon pa man ay batid na ng ating pamunuang rebolusyonaryo ang kahalagahan ng isang malakas at kredibleng Navy.

Nakikita nila na dahil isang bansang pandagat ang Pilipinas ay nakasalalay sa isang maaasahang hukbong pandagat ang magiging resulta ng pag-aalsa ng bayan laban sa mga mananakop.

Batid din nila na ang karagatan ay hindi balakid sa pagbubuo ng bansa o sa pag-iisa ng mithiin at diwa ng isang bansang Filipino.

Nauunawaan nila na ang karagatan ay tulay na siyang nagdikit-dikit sa ating lahat – mula Luzon hanggang Mindanao – upang mabuo ang kauna-unahang republika sa Asya.

Kaya’t ituloy pa natin ang paggunita sa ating kasaysayan at ang kahalagahan ng karagatan sa kasaysayang ito. Huwag nating itigil ang pagpapahalaga at pangangalaga sa ating karagatan at sa mga islang bumubuo ng ating bansa.

Kaya natin yan Pinoy!

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply