Suspek sa pamamaril sa driver, stude sa QC tinutugis

HINAHANTING na ngayon ng pulisya ang lalaking nag-ala Rolito Go at Jason Ivler na bumaril sa isang tricycle driver at estudyante sa isang traffic altercation sa Quezon City nito lamang nakaraang Abril 20 ng umaga.

Sa pakikipag-ugnayan sa Land Transportation Office (LTO), ang hindi nakikilalang tsuper ng kulay puting Mitsubishi L-300 van (UTA-657) ay pag-aari ng isang nagngangalang Dionisio Picar ng #16 Kalayaan Avenue, Makati City.

Pero hinala ng Quezon City Police District operatives na hindi si Picar ang nagmamaneho ng naturang van at ibang tao ang may dala nito nang maganap ang pamamaril.

Dahil dito, pinapuntahan na ng QCPD ang bahay ni Picar sa Makati City para ipabatid dito na nasangkot ang kanyang van sa pamamaril at malaman na rin kung sino ang tunay na nagmamaneho nito.

Nagsimula ang lahat nang maharangan ng traysikel na minamaneho ng biktimang si Marlon Cabunyag 30-anyos ang van ng suspek sa may Kamias at K-H.

Nairita, bumaba ng kanyang van ang suspek at matapos ang pagtatalo ay pinagbabaril nito si Cabunyag na tumama sa ibabang kili-killi nito at minalas na tinamaan ng ligaw na bala sa kanang binti ang isang Kyle Cuntapay, 12-anyos na naglalakad patungo sa kanyang eskuwelahan.

Stable na ang kondisyon ng dalawang biktima sa East Avenue Medical Center (EAMC).

Dahil sa insidenteng ito, nagbalik ang alaala ng dalawang high profile cases ng road rage na ikinasa nina Rolito Go na nahatulang mabilanggo ng habambuhay sa pagpatay sa isang La Salle student sa San Juan noong 1990s at ni Filipino-American Jason Ivler, na kasalukuyang dinidinig pa ang kaso sa pagpatay naman sa anak ng isang Malacañang official noong Nobyembre 2009.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply