Suspendido

NAKAKAGULAT malaman na ang isang ahensiya ng gobyerno ay nagsuspinde ng isa sa kanilang pangunahing serbisyo sa publiko, ang mag-isyu at mag-renew ng driver’s license.

Noong Martes ay ipinatigil muna ni Land Transportation Office (LTO) Assec. Virginia Torres ang pag-iisyu ng driver’s license dahil sa isang “temporary glitch” na tinatawag ni DOTC Sec. Mar Roxas.

Ang “temporary glitch” na tinutukoy ni Roxas ay ang pagbago ng disenyo ng driver’s license ng supplier nitong Amalgamated Motors Philippines, Inc. o AMPI na walang pahintulot mula sa LTO at DOTC. Ang AMPI ay ang supplier ng driver’s license sa LTO.

Isa sa mga nagbago dito ay ang kulay ng lisensya na mula sa asul ay ginawang dilaw ng AMPI.

Bakit kaya dilaw? Sobrang kasipsipan naman ata sa ating Pangulo iyan.  Ayon pa kay Roxas ay noong 2006 pa nagtapos ang kontrata ng AMPI sa LTO. Ayon sa Republic Act 9184 o ang Government Procurement Reform Act, ang isang supplier ay may fixed term na isang taon at renewable depende sa pag-uusap ng supplier at ng ahensiya. Paanong nakapagpatuloy ang AMPI ng anim na taon pa na wala naman palang bagong kontrata?

Ang AMPI ayon sa aking source ay may 20–taong supplier na ng lisensya ng LTO.

N’ung Biyernes ay humarap sa telebisyon ang DOTC Spokesman na si Atty. Nic Conti at AMPI Spokesperson Melanie Cuevas. Ang sabi ni Conti, bagama’t maganda ang pakay ng AMPI sana sa susunod ay humingi muna sila ng pahintulot sa kinauukulan bago gumawa ng isang hakbang.

Agad namang huming ng dispensa si Cuevas kay Conti at sinabing hindi pa naman pinal ng disensyo at puwede pang baguhin ang disenyo ng lisensya.

Ngunit tila nalimutang humingi ni Cuevas ng dispensa sa mga nagpunta sa LTO noong Martes para lang maperwisyo at masayang ang isang araw ng trabaho.

Wala na talaga sigurong magbabago sa LTO. Ultimo supplier nila sablay pa rin. Tsk tsk. Sana ay patuloy ang imbestigasyong inutos ni Sec. Roxas para magkalinaw kung paanong nakakapagpatuloy ang AMPI sa kanilang negosyo sa LTO na dapat ay hanggang 2006 lang ayon sa kontrata.

Assec. Torres, paano nga ba nangyari ito?

*****

Sa Lunes ay tutulak ako papuntang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) para sa formal launching ng Toyota 86, ang pinakabagong sports car ng Toyota Motor Corporation na ipinarating dito ng Toyota Motor Philippines. Kasama ang mga miyembro ng motoring media ay ‘di ko lang masisilayan ang bagong sasakyan, may test drive pang isasagawa sa Martes sa tarmac ng Subic Bay International airport. Binabati ko ang mga taga TMP sa pangunguna ng kanilang Pangulong si Michinobu Sugata.

*****

Happy Birthday sa aking napakahusay na guro at idol na si Edgen Dy-Liacco na kasalukuyang nasa Carmona Circuit Phils. sa Carmona, Cavite para sa 4th leg ng Phil. National Karting Series.

Happy Fathers’ Day sa aking amang si Nestor Balquiedra Quesada at sa lahat ng mga tatay sa buong kapuluan!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply