Suspensyon ng klase ‘pag may bagyo wala na sa DepEd

INIHAYAG ngayon ng Department of Education (DepEd) na wala na sa kanila ang karapatan para magsuspinde ng klase sakaling mayroong sama ng panahon, sa halip, ipinasa na sa mga lokal na pamahalaan.

Ayon kay DepEd Secretary Bro. Armin Luistro, magiging automatic na ang suspensyon mula sa mga local government unit (LGU) base sa rekomendasyon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration PAGASA.

Sa bisa ng Executive Order No. 66 na nilagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III noong Enero 9, 2012, ipinalabas ng ahensya ang DepEd Order 43 para bigyan ng guide ang mga regional, division at school officials sa kanilang magiging aksyon sa pampubliko at pribadong paaralan.

Sa nasabing kautusan, walang pasok ang  public at private pre-school at kindergarten classes kapag itinaas ng PAGASA sa signal no. 1; kapag signal no. 2 suspendido na rin ang klase sa elementarya at sekondarya at walang pasok sa lahat ng level kapag signal no. 3.

Sakaling walang abiso ang PAGASA, puwedeng magsuspinde ng klase ang local chief executives sa bisa ng kanyang kapangyarihan bilang chairman ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council.

Maaari lang magsuspinde ang schools head sakaling delikado at mapanganib na para sa mag-aaral ang lagay sa kanyang nasasakupan.

Base pa sa kautusan ang suspension ng klase ay dapat bago mag alas-4:30 ng madaling araw para sa pang-umagang klase at alas-11 ng tanghali para sa panghapong klase.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply