Talunang si Pacman at boxing sa DepEd

NAGWAGI si Timothy Bradley laban kay Manny Pacquiao.

Sinabi noon ng mga manghuhula, matatalo si Pacman ni Bradley.

At nagkatotoo iyon.

Ang maganda kay Pacman, nakangiti ito sa desisyong hati o split decision ng mga judge.

Walang samaan ng loob, yan ang mensahe ni Manny.

Ewan natin kung may koneksyon ang pagkatalo ni Pacman sa kanyang pagkahilig sa Bibliya ngayon.

Kung meron, baka pinatikim siya ng leksyon sa buhay.

Huwag gawing biro ang heaven at hell.

Huwag gamitin ang heaven kahit sa pagte-training para sa boksing na sa maraming pagkakataon ay isang malakihang sugal.

Magkagayunman, ang boksing ay marangal na hanapbuhay at isang paraan para mapanatili ang magandang kalusugan, gayundin ang pagkamit ng magandang kinabukasan hindi lang para sa sarili kundi para sa iba.

‘Yan ang dangal ng boksing na pinaghihirapan at hindi hinahaluan ng pandaraya.

Wais si Jessica

Kumanta si Jessica Sanchez na sinasabing may dugong Pinay at Mexicano at wala ni anomang dugong Kano para kay Bradley na isang Aprikano-Amerikano.

Pero siyempre, ibigay na lang natin kay Jessica ang kalayaan niyang pumili ng kakantahan.

Lalo’t mas kadila ni Jessica si Bradley kesa sa sinomang Pinoy at Mexicano.

Nga pala, ‘di ba gustong pumarito si Jessica?

Welcome, Jessica Sanchez, sa Pinas.

Boxing sa DepEd

Maalaala nga pala natin.

Wala tayong naririnig na programa ang Department of Education para sa boxing.

Kahit sa bilyar, chess at boat racing kung saan tayo nagtsa-champion.

Bakit kaya wala sa listahan ng DepEd ang mga area na ito sa sports na pinalalaganap sa mga eskwelahan?

Dahil ba sa tanggal na ang  “Sports” sa mga opisyal na concern ng DepEd simula nang mapalitan ang ngalan ng DepEd mula sa Department of Education, Culture and  Sports?

At may kaukulan nang ahensya ang pamahalaan para linangin ang sports sa bansa?

Paano kaya kung ibalik ang “Sports” sa DepEd kahit na mga panimulang kaalaman at praktis lang ang ituro rito, lalo na ang mga sport na boksing, bilyar at chess?

Dahil sa boksing

Isa na ngang kongresman si Pacquiao.

Ngunit naganap lang ito dahil sa kanyang pakikihamok sa loob ng boxing ring.

Nakaipon siya ng campaign fund sa pamamagitan ng boksing at pinalad nga siya para maging miyembro ng Kongreso.

At alam ba ninyong isa sa mga kauna-unahang pinagkaabalahan niya ay suportahan ang panukala para sa pagtataas ng sahod ng mga titser?

Parami nang parami na rin siyang ginagawa para sa mga eskuwelahan, maging sa mga out-of-school youth na minsan niyang pinagdaanan dahil sa kahirapan.

High school drop-out siya noon, mga Bro at naipagpatuloy lamang niya ang kanyang pag-aaral nitong mga huling taon nang kumikita na siya sa boksing.

Ang kalusugan din ay mahalaga sa kanya kaya naririyan ang pagpapatayo niya ng isang provincial hospital sa lalawigan ng Sarangani.

Diyan pupuwedeng itakbo ang mga nagkakasakit na mga bata, titser at iba pang mga tauhan o opisyal ng DepEd sa lugar.

Maging pabahay sa mga titser na iskwater ay mayroon din siyang kontribusyon nang gawin siyang isang ambassador ng Habitat for Humanity.

Halaga ng boxing

Ang kontribusyon ni Pacquiao sa mga mag-aaral at teacher sa loob at labas ng mga eskwelahan ay magandang pag-isipan ng DepEd para sa pagsisimula ng boksing, bilyar, chess, boat racing at iba pa bilang bahagi ng mga aralin.

Habang maaga, magandang bigyan ang mga bata ng break sa sports kung saan tayo nagtsa-champion.

Anong malay natin na manggagaling sa mga nasasakupan ng DepEd ang uusbong para maging ibang  mga Pacquiao na kung magtagumpay ay magiging kapaki-pakinabang mismo sa  DepEd… sa huli, sa buong bayan?
O DepEd Secretary Armin Lusitro, paano?

Handa na po ba kayong idagdag ang B (boxing) sa K+12 ninyo?

Hehehe!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph, itawag o i-text sa 09214303333.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply