Testigo minartilyo sa ulo, kritikal

NASA kritikal na kondisyon sa Ospital ng Maynila ang isang 13-anyos na grade 5 student matapos umanong martilyuhin ang ulo nito ng kanyang kalapit-kuwarto nang hindi sinasadyang masaksihan nito ang tangkang pagpatay sa matandang umuukupa rin sa abandonadong gusali na kanilang tinitirhan sa Ermita, Manila, ayon sa ulat ng pulisya ngayon.

Nakilala ang biktimang si Alexandra Mendoza, ng Aurora Quezon Elementary School at naninirahan sa ika-4 na palapag ng isang abandonadong gusali sa 1217 Leon Guerrero St., sakop ng Ermita.

Nabatid kay Dr. Evangeline Morales, director ng Ospital ng Maynila, na nakikipaglaban kay kamatayan ang biktima dahil sa tinamong palo sa ulo mula sa suspek na nakilala sa alyas na “Boloy “ at “Gilbert” na nasa edad 25 hanggang 30, na mabilis na tumakas makaraang isagawa ang krimen.

Gayunman, iniutos na ni Manila Mayor Alfredo Lim kay MPD-District Director Chief Supt. Alejandro Gutierrez ang pagtugis sa suspek, matapos nitong matuklasan nang ito’y magtungo sa nasabing pagamutan kasama si Department of Public Services  chief, ret. P/ Supt. Carlos Baltazar.

Ayon kay Gng. Cristina Mendoza, 33, ina ng biktima, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente makaraang masaksihan nito ang isang alyas Mang Pancho na pinapalo sa ulo ng suspek sa ikatlong palapag ng gusali.

Hinabol ng suspek ang biktima na nagtatakbo paakyat sa hagdanan at nang makorner ay pinagpapalo rin ito sa ulo.

Nabatid na inoobserbahan naman sa Philippine General Hospital ang matanda matapos magtamo ng palo sa ulo at likurang bahagi ng katawan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply