Testigo ng Comelec vs CGMA ‘di ilalagay sa WPP

AYAW ni Commission on Elections (Comelec) chairman Sixto Brillantes Jr. na maisailalim pa sa witness protection program (WPP) ng Department of Justice (DOJ) ang mga testigo nila sa electoral sabotage case na kinakaharap ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Ito’y kasunod nang naunang pahayag ni Justice Secretary Leila de Lima na kakausapin niya ang poll chief para maisailalim sa WPP ang mga witness ng election court laban kay Arroyo, na ngayon ay kinatawan na sa kamara ng ikalawang distrito ng Pampanga.

Ayon kay Brillantes, hindi siya pabor sa naturang panukala dahil sa kanilang palagay ay mas ligtas umano ang kanilang mga testigo kung wala sa WPP.

Bukod rito, ipinaliwanag ni Brillantes na marami ring proseso na kakailanganing daanan bago maisailalim sa WPP ang kanilang mga testigo na maaaring makapaglagay pa sa kanila sa alanganing sitwasyon.

Nilinaw naman ni Brillantes na hanggang ngayon ay hindi pa inilalahad ni de Lima sa kanya ang nasabing panukala.

Nabatid na sa kasalukuyan ay nasa 10 testigo na lamang ang hawak ng Comelec laban kay dating Pangulong Arroyo matapos umatras ang isa nilang testigo na si dating election officer Russam Mabang.

Si Mabang ay matatandaang nakatakda na sanang iprisinta sa Pasay City Regional Trial Court (RTC) sa bail hearing ni CGMA ngunit bigla na lamang itong nawala at nagtago.

Sinabi naman ng Comelec na nakita na nila si Mabang na nagtago umano sa mga kamag-anak nito.

Alam na rin umano ni Mabang na hindi na nila ito ipiprisinta bilang testigo matapos ang ginawa nitong pagtatago.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply