Testigo sa Ramgen slay ginisa

KUSANG nagtungo sa himpilan ng pulisya ang pangunahing testigo sa naganap na pagpatay kay Ramgen Revilla at malubhang pagkasugat sa kasintahan nitong si Janelle Manahan, kung saan hindi rin umano nito alam na may inilaang pabuya si Senator Ramon “Bong” Revilla sa sinomang makapagtuturo sa pumaslang kay Ramgen.

Ito ang pahayag ni Puzon makaraang igiit nito na hindi pabuya kundi pamaskong regalo ang P15,000 na tinanggap niya mula sa pulisya nang isalang sa cross examination kanina sa Parañaque Regional Trial Court.

Sa pagtatanong ni Atty. Melinda Salcedo, abogado ng akusadong si Ryan Pastera kay Puzon sa sala ni Parañaque RTC Judge Fortunito Madrona ng Branch 274, inusisa niya ang mga paiba-iba nitong pahayag na taliwas sa mga isinumiteng testimonya, tulad ng pakikipagtagpo niya sa mga akusado at paglalahad niya ng mga pangyayari bago nangyari ang krimen.

Ayon kay Salcedo, mistulang pinaghalo-halo ni Puzon ang mga pangalan ng mga akusado na hindi tumutugma sa kanyang mga sinumpaang salaysay tulad ng pagbibigay ng baril ni Francis Tolisora kay Pastera na sa isa niyang affidavit ay kay Norwin dela Cruz naman ito ibinigay at hindi kay Pastera.

Iba rin ang nakasaad sa affidavit ni Puzon na naghintay lang siya sa loob ng sasakyan nang magtungo sila nina Pastera sa bahay ng biktima gayung sa pahayag niya ay itinuro pa umano sa kanya ang parking at lagusan sa likod ng bahay ng biktima.

Minaliit naman ni Public Prosecutor Apolinar Quetulio, Jr. ang pagkakaiba-iba ng pahayag ni Puzon na karaniwan na aniyang nangyayari at hindi naman makakaaapekto sa kredibilidad ng kanilang testigo. Kahit sino aniya ay hindi na rin perpektong matatandaan ang pangyayari lalo na’t ilalagay nila ito sa kanilang salaysay.

Idinugtong pa niya na pasakalye pa lang ang mga pahayag ni Puzon na nagpatunay na may naganap na pagpaplano bago isagawa ang krimen at sa mga susunod pang paglilitis ay ilalantad pa nila ang mabibigat na testigo na positibong magtuturo sa mga akusado sa nangyaring krimen.

Kumpiyansa naman si Genelyn Magsaysay, ina ng napaslang na si Ramgen at pangunahing akusadong si Ramon Joseph Bautista na matutugunan ang kanilang panalangin dahil mapatutunayan na inosente sila sa krimen at mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang anak.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply