Thanks kina Usec. Puno at Assec. Paez at mangingisda

PAANO kaya natin pasasalamatan ang mga taong kumikilos para maligtas sa kapahamakan ang mga pamilyang biktima ng Ampatuan Massacre?

Kaugnay ito ng mabilis na aksyon ng Department of Foreign Affairs at Department of the Interior and Local Government sa isang kahilingan para bigyan ng pamahalaan ng proteksyon ang naiwang pamilya ni kapatid na Alehandro ‘Bong’ Reblando, ng Manila Bulletin, at isa sa mga biktima ng nasabing massacre.

Ginawa ang aksyon nina DFA  Assistant Secretary Patricia Ann V. Paez at DILG Undersecretary Rico E. Puno.

Maraming salamat po sa inyo, Sir Rico at M’am Patricia.

HILING NG ISHR

Naunang hiniling ng International Society of Human Rights sa pamamagitan ni Wilhelm H. Ludwig ang pamahalaan na bigyan ng kaukulang proteksyon ang  naulilang pamilya ni Reblando, lalo na ang mga anak nito.

Agad na umaksyon si Assec. Paez sa pamamagitan ng pakikipag-uganayan nito kay Usec. Puno na hindi rin  nag-akasya ng oras para rito.

Dumaloy ang mga aksyon na ito sa tanggapan ni PNP chief Director General Nick Bartolome na mabilis ding kumilos.

Ngayon ay may nagbabantay nang mga pulis sa pamilya ng kapatid na si Bong.

Muli, salamat po sa lahat nang umaksyon, kasama na si Gen. Bartolome, para maligtas sa kapahamakan ang pamilya Reblando.

SINAGASAANG MANGINGISDA

Maselan ang sinasabing pananagasa ng isang barko sa isang bangka ng mga mangingisda natin malapit sa kontrobersyal na Bolinao, Pangasinan.

Marami ang lumalabas na paniniwala at agad na itinuro ng ilan ang isa sa mga barko ng People’s Republic of China na siyang may kagagawan sa pangyayari.

Dahil maselan ito at dapat na mag-ingat ang lahat sa pagsasalita ukol dito, ipinahayag ng Palasyo na dapat na mag-ingat ang lahat.

Hindi ito dapat na paypayan upang magliyab ang relasyon ng mahal kong Pinas at ang PRC na kasalukuyang sangkot sa kontrobersya sa lugar.

TAMA ANG PALASYO

Batay sa mga lumalabas na balita ngayon, may tatak umanong Hong Kong ang nasabing barko.

Nauna rito, may nagsasabing barkong Indones iyon.

Ano ba ang totoo?

May nagsasabi ring sinadya ang pagbangga ngunit may nagsasabi ring hindi kundi disgrasya lang ang lahat.

HINDI NI-RESCUE

Hindi umano huminto ang barko upang i-rescue ang mga mangingisdang nawasakan ng bangka.

Ang problema nga lang ay kalagitnaan ng gabi o ala-1:00 ng madaling noong Hunyo 20 nang maganap ito.

Dito magkakaroon ng pagdududa kung sinadya ang pagbangga.

Kahit na nasa gitna ng karagatan ang mga barko at bangkang pangisda, talaga namang madilim ang paligid.

Batay ito sa karanasan ng mga mangingisda na ating nakauusap.

Dahil malaki ang barko at maliit ang bangka, baka nga naman hindi napansin ang bangka dahil sa dilim.

Pero kung sinadya, dapat lang na panagutin ang mga bumangga sa ating mga mangingisda.

Ang problema, aabutin tayo ng siyam-siyam sa pagkilala at pagtugis sa barko.

PAMAHALAAN DAPAT KUMILOS

Sinadya o hindi ang pangyayari, dapat na managot ang mga may gawa ng disgrasya.

Ang bola ay nasa pamahalaan para kumilos.

Hindi porke maliliit o mahihirap ang mga biktima ay magpabandying-bandying na lang ang mga kinauukulan.

Ang mabilis nilang pagkilos para managot ang mga salarin ang demand natin.

NAMATAY AT NASUGATAN

Condolence po sa pamilya ni Christopher Balmores na binawian ng buhay sa ospital na doon siya itinakbo ng mga kinauukulan.

Ginagamot naman sa ospital ang kanyang mga kasamahang sina Edimio Balmores, Hernan Balmores at Celino Damian.

Magpagaling kayo, mga Bro.

Sa gitna ng pangyayari, may ikinatatakot ng marami: ang pagkawala ng apat pang kasamahan ng mga mangingisda na sina Fred Celino, Arnold Garcia, Domy delos Santos at Amante Rasonable.

NANDIYAN NA ANG BAGYO

Ngayon ay nagsimulang maging malikot ang ilang bahagi ng ating mga karagatan dahil sa namumuong bagyo na maaaring pangalanan ng Dindo.

Maging tayo ay natatakot na mahirapang hanapin ang mga nawawala dahil sa pagsungit ng panahon simula sa araw na ito.

Pero dapat na gawin ng mga kinauukulan ang lahat ng kanilang makakayanan para hanapin ang mga nawawala.

This time ay umasa tayo na may milagrong magaganap. Yun bang === buhay pa ang mga mangingisdang nawawala dahil sa pangyayari.

16-18 ORAS NA ROUND TRIP

Sa kuwento sa atin ng mga mangingisda sa lugar, nasa walong oras ang isang trip patungo sa mga payaw na nagiging bahay ng mga mangingisda.

Walong oras din ang kanilang pagbabalik sa pampang.

Maraming payaw na may sanga ng dahon ng niyog at iba pa ang itinatanim sa karagatan ng ating mga mangingisda at doon sila umaani o nanghuhuli ng isda.

Kitang-kita ang kanilang kasipagan at pagpapagod upang mayroon lang tayong mailagay sa ating mga hapag kainan.

Saludo tayo sa kanila.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply