Tigers, Ginebra sisikwat ng ika-5 panalo

Laro bukas: (Smart Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Meralco vs. Powerade
6:30 p.m. Ginebra vs. Talk ‘N Text

POSIBLENG ang ikalimang panalo ang magbitbit sa kanila sa semifinals sa parehong tangka ng Barangay Ginebra Kings at Powerade Tigers kontra sa magkahiwalay na laban sa Philippine Basketball Association (PBA) Governors Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Mapapalaban muna ang Powerade Tigers kontra Meralco Bolts sa alas-4:15 ng hapon habang maghaharap ang Ginebra at Talk ‘N Text Tropang Texters sa second game sa alas-6:30 ng gabi.

Magkasalo ngayon ang Powerade Tigers at Ginebra Kings hawak ang 4-3 baraha kasunod ng lider na Rain or Shine Elasto Painters (6-1) at B-Meg Llamados (5-2) na unang nakakuha ng dalawang semis slots.

Nasilat ang Powerade Tigers na makuha ang ikatlong semis spot makaraang umani ng 121-128 kabiguan kontra sa Air21 Express kagabi.

Pero kumamada man ng 40 puntos si Omar Sneed at 28 ni Gary David, hindi pa rin sapat para pigilan ng Tigers ang Express na sumandal sa import na si Zach Graham na nagpasabog ng 51 malaking puntos.

Nananatili ang Meralco Bolts sa kontensiyon sa markang 3-4 at kailangang magwagi sa huling games para mapalakas ang tsansa na makapwesto sa semis.

Naglalaro sa ngayon ang defending champion Petron Blaze at Rain or Shine sa Dumaguete City habang isinusulat ang balitang ito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply