Toyo, mas ligtas na

MABABAWASAN na ang pangamba ng mga mamimili ukol sa kaligtasan ng toyo na binibili nila sa palengke at supermarket.

Ito ay matapos magtakda ng mas mataas na pamantayan o standard ng safety o kaligtasan para sa soy sauce products ang Food and Drugs Administration ng bansa.

Ang kilos ng FDA ay kasunod ng naging pangamba ng mga mamamayan nitong nakaraang taon tungkol sa sangkap na 3-Monocholopropane o 3-MCPD. Kapag lagpas ang antas ng 3-MCPD sa toyo na nagamit ng mga tao, ito ay maaaring makasama sa kalusugan o kaya ay maging sanhi ng cancer. Ito ay napatunayan ng mga siyentipikong pag-aaral.

Noon ding nagdaang taon, nakumpirmang ligtas na tatak ng toyo ay tila tatlo lang. Kasama rito ang imported na Kikkoman soy sauce, at dalawang lokal na produkto – ang Datu Puti at ang Mama Sita Premium. Bukod sa tatlo, hindi natin alam ang kalagayan ng kaligtasan ng ibang tatak ng produktong toyo sa ating mga pamilihan.

Pero nagbago na ang ihip ng hangin.

Kamakailan ay nagpalabas na ang FDA ng patakaran. Ayon sa FDA, simula sa ika-30 ng buwan ng Hunyo ngayong 2012, hindi na puwedeng lumampas sa 0.4 parts per million ang papayagang level ng 3-MCPD sa mga ibinibentang toyo.

Kailangang sumunod ang lahat ng gumagawa at nagbebenta ng toyo sa patakarang ito. May katapat na parusa ang hindi pagsunod.
Salamat naman at kumilos ang FDA sa isyung ito ng kaligtasan ng toyo sa ating  bansa.

Gaya ng sinabi namin dati, ang toyo ay isa sa pinakamahalagang sangkap sa pagkain ng mga Pinoy. Isa rin ito sa pinakasikat na sawsawan natin. Masaklap naman kung ang paggamit pala natin nito ay magdudulot lang ng sakit sa atin.

Dahil sa ginawang pagtatakda ng FDA ng mas ligtas na 3-MCPD limit, itinaguyod nito ang kapakanan ng masang Pilipino.

Umaasa tayo na magiging mahigpit ang pagpapatupad ng FDA sa bagong patakarang ito umpisa sa darating na buwan ng Hulyo.

Habang mataas ang safety standards ng FDA at taos ang pagpapatupad nito, makatitiyak tayong ang pinagsasawsawan nating toyo ay masarap na … ligtas pa.

Salamat, FDA!

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply