Traffic enforcers ng Maynila dapat tularan

NOONG nakalipas na Mayo 26 ay naaresto ng mga traffic enforcers ng Maynila ang limang miyembro ng kilabot na grupo na kung tawagin ay “Laglag Barya Gang.”

Sa tulong ng Manila Police District (MPD) ay nasampahan ng kasong Theft at na-inquest ang mga suspek na sina Erwin Villanueva,  Richie Reyes,  Jefferson Catampo, Ramil Jugar at Anton Bacala, sa tanggapan ng Asst. City Prosecutors ng Maynila.

Nakakabilib naman ang ginawa ng apat na traffic enforcers ng Maynila, dahil sa kabila ng kakarampot na suweldo na kanilang tinatanggap buwan-buwan ay nakuha pa nilang itaya ang kanilang buhay para lang mahuli ang mga kilabot na kriminal.

Alam naman natin na ‘yang mga kriminal na ‘yan ay may mga dalang armas, kung hindi baril ay patalim, pero hindi ito inalintana ng mga tauhan ni Ms. Nancy Villanueva, ng Manila Traffic and Parking Bureau o MTPB.

Saludo ako sa apat na traffic enforcer ng Maynila, sana ay tularan din sila ng iba pang mga traffic enforcer hindi lang sa Maynila kundi sa buong bansa, kahit na sabihing wala silang mga armas na panlaban sa mga kriminal.

Sa totoo lang, posibleng may kinalagyan ang apat na enforcer ng Maynila na sina Roger Lorenzo, Derrick Reyes, Ericcristo Supan at Relito Navarro kung may mga lookout ang grupo ng mga suspek.

Dapat sana ay nabigyan man lang ng pagkilala ni Manila Mayor Alfredo Lim at ni MTPB Chief, Nancy Villanueva ang kanilang mga tao, katulad din ng ginagawa ng alkalde sa kanyang mga pulis.

Kung tutuusin pa nga dapat ay mas higit na bigyan ng pagkilala ang mga traffic enforcer kaysa sa pulis dahil bukod sa walang dalang armas ang mga enforcer ay kakarampot pa ang kanilang nakukuhang suweldo na kung tutuusin ay alikabok lang sa kinikita ng mga pulis Maynila.

Dapat nga ipagmalaki ng alkalde ang ginawa ng kanyang mga traffic enforcer na kahit walang mga armas ay kayang-kayang sumabay sa mga kilabot na kriminal na katulad ng grupo ng Laglag Barya Gang na matagal ng problema ng ating mga kapulisan.

Huwag naman sanang lumaki ang ulo ng mga enforcer na aking nabanggit, dapat kayong tularan ng inyong mga kabaro.

Ma’am Nancy Villanueva, nakarating sa Lily’s Files ang malaking pagbabago ng MTPB, sana po ay tuloy-tuloy na ito at sana rin ay pamarisan itong si Ma’am Nancy Villanueva ng ilan nating magagaling na pinuno ng iba’t ibang departamento na marunong tumanggap ng kanyang pagkakamali at pagkukulang.

“Saludo ako sa inyo Madam Nancy Villanueva ng MTPB.”

Bukas po ang Lily’s Files para  sa inyong mga reklamo, suhestiyon at komento,  mag-text lang po sa  0915-5683000 at 09087230036 o kaya ay mag-email lamang sa …lpr_2012@yahoo.com…

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply