Travel tax, terminal fee ‘wag na singilin sa OFWs sa Europa

INIREKOMENDA kahapon ni Vice President Jejomar Binay kay Pangulong Aquino na huwag nang singilin ng travel tax at terminal fee ang mga Pilipinong pumasok sa programang ‘au pairs ’ sa mga bansa sa Europa.

Sa kanyang memorandum order sa Pangulo,  umapela si Binay na katulad ng mga overseas Filipino worker (OFWs), ang mga Pilipinong gagampan ng mga magagaan na trabaho sa isang pamilya sa Switzerland, Norway at Denmark ay nakakatulong din sa paglago ng ekonomiya.

Batay sa taya ng tanggapan ni Binay, umaabot lamang mula sa $500 hanggang $1,000 ang alowans tatanggapin ng mga Pilipinong nasa ‘au pairs’ program at ipinadadala ito sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas.

Sakaling pumayag ang Malakanyang sa panukala ni Binay, makakatipid ang mga Pilipino ng P500 bilang bayad sa terminal fee at P2,500 naman sa travel tax.

Ang programang ‘Au Pairs’ ay isang  isang cultural exchange na kasunduan na magbibigay sa mga Pilipinong may edad 18 anyos hanggang 30 anyos ng pagkakataon na makisalamuha sa isang pamilya sa bansang Switzerland, Norrway at Denmark sa loob ng dalawang taon.

Mamumuhay ang nasabing Pilipino kapantay ng pamilyang kumuha sa kanya at gagampan ito sa mga pinagkasundang tungkulin sa bahay tulad ng pag-aasikaso sa mga bata at  paggampan ng mga tungkulin sa bahay nang walang tatanggaping buwanang sahod, kundi monthly allowance lamang.

Nauna nang nakipagpulong si Binay sa mga kinatawan ng Department of Labor and Employment (DOLE), Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Education (DepEd), Bureau of Immigration (BI) at CFO upang mailatag ang bagong patakaran sa pagpasok sa nasabing programa, at ang pagbibigay proteksyon sa mga karapatan ng mga aplikante.

Inatasan din nii Binay ang Inter-Agency Council Against Trafficiking (IACAT) sa mga pambansang paliparan na matyagan ang pagpapatupad ng programa at tiyakin na ang mga aplikante ay hindi magiging biktima ng human trafficking syndicate at illegal recruitment.

Aniya, pinagaan na ng pamahalaan ang proseso, gayundin ang mga kinakailangang dokumento para makapasok ang mga kababayan sa nasabing programa.

Batay sa bagong alituntunin, tanging ang kontrata na pinatotohanan ng embahada ng Pilipinas sa pupuntahang bansa, pasaporte na may tatak ng ‘Au Pairs’ visa, at CF certificate at sticker ang tanging dokumentong kailangan ng isang aplikante para ipakita sa mga tauhan ng immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply