Tren vs tricycle: 5 patay, 8 kritikal

(UPDATE) PATAY ang lima katao habang walo ang nasa kritikal na kondisyon nang magbanggaan ang isang tren ng Philippine National Railways (PNR) at isang tri-mobile sa hangganan ng San Isidro at San Agustin sa lungsod ng Iriga kaninang umaga.

Batay sa paunang report na nakarating sa Camp Crame, tatlo sa limang namatay ay ang mag-aamang sina Danilo Doroteo, 51, Kimberly, 13 na agad na binawian ng buhay at Kent Lester, 12, samantalang ang dalawa pang nasawi ay nakilalang sina John Richard Rosal, 15 at ang high school teacher na si Shiela Doroteo Safenoso, kamag-anak ni Danilo Doroteo.

Sugatan naman ang iba pang pasahero ng tricycle na sina Micky Villanueva, 15, Mey Baal, 12; Roneil Rubuna, 13; Loren Logada, 12; Diosa Vareno, 17; Joshua Calamanze, 14; Hanson Baal, 15, at Angelo Foilo, 15, na patuloy na nilalapatan ng lunas sa Mediatrix Hospital at pawang nakatira sa Brgy. San Jose, Iriga at mga mag-aaral ng Sefernio Arroyo High School sa lungsod ng Iriga.

Base sa report na ipinadala ni PNP Iriga City spokesperson PO3 Marsha Aguiller, naganap ang insidente dakong alas-6:54 ng umaga.

Lumitaw sa pagsisiyasat ng pulisya na hindi umano dumaan sa main line ang overloaded na tricycle at tinahak nito ang gilid ng riles kung saan pagsapit malapit sa railroad crossing ay doon naganap ang malagim na aksidente.

Nabatid sa operations manager ng Bicol Express na si Constancio Toledano, ang tren ay galing sa Metro Manila at patungo sa Ligao City.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply