Driver ng kuliglig binoga, patay

PATAY ang isang 33-anyos na driver ng kuliglig matapos barilin ng malapitan habang nagpapakarga ng gasolina sa Sta. Cruz, Maynila kahapon (Hunyo 26).

Kinilala ni Sr.Inspector Joey de Ocampo, hepe ng Manila Police District-Homicide Section ang biktima na si Enrico Evasco, nakatira sa B2 L34 C.P Garcia St.,Tondo, Maynila.

Nakatakas naman ang dalawang suspek na ang isa ay inilarawan lamang na malaki ang pangangatawan, nakasuot ng gray T-shirt, short pants at may suot na reading glass at armado ng cal. 45 pistol.

Habang ang isa pang suspek ay sakay ng black Mio Motorcycle at nag-aabang sa kasama sa hindi kalayuan sa pinangyarihan ng krimen.

Sa report ni PO3 Alonzo Layugan, imbestigador dakong alas-5:10 kahapon ng maganap ang insidente sa tapat ng Petron Gasoline Station na matatagpuan sa kanto ng Rizal Avenue at Pampanga St., sa Sta.Cruz, Maynila.

Nauna rito, sakay ang biktima ng kanyang “kuliglig” kasama ang kanyang live-in partner na si Charlotte Salvador, ang 3 taong gulang na anak nilang babae at isang Janet Cerdena patungong North Cemetery.

Huminto umano ang suspek sa nasabing gasolinan upang magpakarga habang sina Charlotte, anak na babae at Janet ay tumawid sa kabilang kalsada upang bumili naman ng maiinom na tubig.

Nang muling tumawid ang 3 upang sumakay sa “kuliglig” ay napansin ni charlotte ang isang lalaki na armado ng baril at walang sabi-sabing binaril sa likod ang biktima.

Nang bumagsak sa semento ang biktima ay kaswal lang na naglakad ang gunman at tinungo ang kasamahan na naghihintay saka pinaharurot ang kanilang motorsiklo patungo sa south bound ng Rizal Avenue.

Patuloy ang imbestiagsyon ng pulisya sa insidente.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply