Trike sinuwag ng tren, 3 patay, 8 sugatan

TATLO ang patay habang walo naman ang nasaktan nang suwagin tren ng Philippine National Railways (PNR) ang isang tri-mobile sa Iriga City kaninang umaga (Hunyo 22).

Sa ulat ng Ligao City police, wala pang pagkakakilanlan ang mga namatay na biktima pero ang isa sa kanila ay isang titser habang ang dalawa naman ay kapwa high school student.

Isinugod naman sa Rinconado Medical Center sanhi ng tinamong kapansanan sa iba’t ibang parte ng katawan ang mga nasaktang mga biktima na hindi nakuha ang mga pangalan.

Naganap ang insidente sa pagitan ng 6:00 hanggang 6:30 kaninang umaga sa railroad crossing ng San Agustin at San Isidro, Iriga City.

Ayon kay Constancio Toledano, operation manager ng PNR,  nanggaling sa Metro Manila ang tren at patungo ito sa Ligao City at may sakay itong 70 pasahero.

Habang ang trymobile naman ay puno at maging ang bubong nito ay may sakay na mga high school student na papasok sa kanilang eskuwelahan.

Sa inisyal na imbestigasyon, sinasabing hindi napansin ng tsuper ng tri-mobile ang paparating na tren kaya sa isang iglap ay sinuwag ito.

Habang isinusulat ang balitang ito, nakahambalang pa sa lugar ang tren dahil sa pagkakaroon ng sira sanhi ng malakas na pagsalpok sa naturang trike.

Nakikipag-uganayan naman na ang pulisya sa PNR para malaman kung sino ang nagpapatakbo ng naturang tren at para maikasa na rin ang kaukulang kaso laban dito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply