Tserman itinumba ng bisita

CABIAO, Nueva Ecija- Hindi akalain ng isang Barangay Agrarian Reform chairman na sa kabila ng kanyang pagmamagandalang-loob ay kamatayan ang kanyang aabutin sa magsasaka na umakyat sa kanyang bahay upang humingi ng tulong sa Barangay Santa Isabel, ng bayang ito kagabi.

Idineklarang dead-on-arrival sa Duque Clinic ang biktimang si Elena Monroy y Elicullada, 56-anyos, BARC chairman sa kanilang lugar bunga ng isang tama ng bala sa kanang bahagi ng mukha.

Inilarawan naman sa pulisya ng mga saksi na ang salarin ay isang lalaki, nakasuot ng long sleeve polo at may puting T-shirt na panloob at kulay beige na pantalon.

Lumalabas na dakong alas-6:00 ng gabi nang magtanong umano ang hindi pa nakikilalang salarin sa isang tindahan malapit sa bahay ng biktima at inalam kung nasa kanyang bahay ang target na biktima.

Nang makumpirmang nasa loob ang biktima ay agad na kumatok sa gate ng bahay nito ang suspek na agad namang pinapasok ng una.

Nagpanggap umanong magsasaka ang salarin at sinabing magpapatulong siya sa biktima na maayos ang gusot sa kanyang sinasakang lupa.

Matapos paupuin ay nagtungo sa kusina ang biktima upang ipagtimpla ng kape ang bisita.

Lingid sa biktima ay sumunod ang salarin na agad inilabas ang dalang short firearm saka pinaputukan sa mukha ang nagulantang na tserman.

Bilang isang chairman ng BARC sa kanilang barangay ay maraming tao ang kinakausap at nakakahalubilo ng biktima. Sa ngayon ay unang sisilipin ng pulisya ang kasalukuyang hawak ng biktima na gusot sa pagmamay-ari ng apat na ektaryang lupain.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply