UPDATE: ‘Dindo’ lumakas pa; Cagayan, Isabela signal No. 2 na

ITINAAS na ang storm signal number 2 sa Cagayan at Isabela.

Ayon sa PAGASA, lumakas pa ang bagyong Dindo habang kumikilos pa-Kanluran Hilagang Kanluran ng Extreme Northern Luzon.

Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 380 kilometro Silangan Hilagang-Silangan ng Virac, Catanduanes.

Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 75 kilometro kada oras at may pagbugsong aabot sa 90 kilometro bawat oras.

Si Dindo ay kumikilos sa bilis na 19 kilometro kada oras.

Sa pagtaya ng PAGASA, palalakasin ni Dindo ang Hanging Habagat na siyang magpapaulan sa Southern Luzon at iba pang bahagi ng Visayas at Mindanao.

Bukas inaasahang nasa 220 kilometro ng Hilagang-Silangan ng Casiguran, Aurora ang bagyo habang sa Biyernes ng umaga ay inaasahang nasa 150 kilometro ng Kanluran Timog-Kanluran ng Basco, Batanes.

Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa lalo na sa mga apektadong lugar.

Binawalan din ang mga mangingisda na maglayag.

Mga lalawigan na nasa storm signal No. 1:
– Abra
– Apayao
– Aurora
– Batanes Group of Islands
– Calayan Island
– Ilocos Norte
– Ilocos Sur
– Ifugao
– Kalinga
– Mountain Province
– Nueva Viscaya
– Quirino

Babala ng PCG

Nagbabala na rin ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga sasakyang pandagat sa Silangang bahagi ng bansa dahil sa bagyong Dindo.

Ayon kay PCG Lieutenant Commander Armand Balilo, nakaalerto ang PCG sa lahat ng kanilang distrito, partikular ang mga maapektuhang lugar ng bagyo.

Nagpaalala naman ang ahensya na bawal ang paglalayag ng anomang uri ng sasakyang pandagat sa mga lugar na tatamaan ng bagyo.

Partikular na pinagbabawalan ang mga sasakyang pandagat na may 35 tonelada pababa sa eastern seaboard sa Visayas at Katimugang Luzon dahil na rin sa umiiral na gale warning o babala sa masungit na galaw ng karagatan.

Pinayuhan din ni Balilio ang mga mangingisda na huwag magpumilit na pumalaot upang maiwasan ang anomang trahedya sa karagatan.

DOH code white alert

Itinaas ng Department of Health (DOH) sa code white alert status ang kanilang mga tauhan, health center at ospital sa mga maaapektuhang lugar ng bagyong Dindo.

Sa ilalim ng code white alert, pinaghahanda ng DOH ang mga medical team para sa posibleng deployment sa mga lalawigang apektado ng bagyo.

Ayon kay Dr. Carmencita Banatin, direktor ng Health Emergency Management Services ng DOH, inihahanda na nila ang mga kakailanganing gamot at iba pang suplay na gagamitin sa mga health center sa mga lalalwigan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply