US: $7.5-M pabuya sa magngunguso sa 4 ASG leader

NANAWAGAN ang pamahalaang Estados Unidos sa mga Pilipino na tumulong sa paghahanap sa apat na kasapi ng teroristang Abu Sayyaf Group at kabilang sa 41 katao na pinaghahanap ng Washington dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa terorismo.

May naghihintay na pabuya na mula $500,000 hanggang $5 milyon sa sinuman na magbibigay ng impormasyon para madakip sina Isnilon Hapilon, Radullan Sahiron, Abdul Basit Usman at Khair Mundos na pawang mga miyembro ng ASG.

Sa pinakahuling impormasyon na ipinalabas ng US State Department sa ilalim ng programang Rewards for Justice, hinikayat ng Amerika ang mga Pilipino na direktang makipag-ugnayan sa embahada ng Amerika Maynila o kaya naman ay ibigay ang impormasyon sa pamamagitan ng website na www.rewardsforjustice.net o kaya naman ay sumulat sa RFJ@state.gov.

Simula ng itayo ang programang Rewards for Justice noong 1984, mahigit sa US$100M na ang naibigay na pabuya nito sa mahigit 70 katao na nagbigay ng mga kapani-paniwalang impormasyon upang mahuli o kaya ay mapigilan ang paglaganap ng terorismo sa buong daigdig.

Tiniyak din ng US State Deparment na mananatiling sikreto sa publiko ang pagkakakilanlan sa sinumang magbibigay ng impormasyon.

Batay sa ipinalabas na reward list, magbibigay ang  Obama administration ng $5M sa sinuman makapagtuturo sa kinaroroonan ni Hapilon upang maiharap ito sa isang paglilitis sa sa kasong terorismo sa Washington D.C.

Sa impormasyon ng US State Department, si Hapilon ay isang nakatataas na lider sa Abu Sayyaf Group. Ang grupo at ang liderato nito ay kasama umano sa network ng mga teroristang Muslim na kalat sa buong mundo, kabilang ang Jemaah Islamiyah at al-Qa’ida.

Si Hapilon ay isinakdal sa korte sa Washington D.C. dahil sa pagkakasangkot sa terorismo laban sa mga mamamayan ng Estados Unidos at ng ibang bansa. Naniniwala ang pamahalaang Amerika na nagtatago sa Central Mindanao si Hapilon.

Habang $1M naman ang pabuyang naghihintay sa ‘informer’ na magbibigay ng impormasyon sa pinagtataguan nina Sahiron at Usman at tumataginting na $500,000 naman sa makapagtuturo sa ‘lungga ni Mundos.

Si Sahiron ay pinaniniwalaang nagtatago sa Southern Mindanao kung saan ipinagpapatuloy nito ang mga gawain terorismo. Itinuturing ng pamahalaang Amerika na isang mapanganib na tao si Sahiron sa mga mamamayan at sa interest ng Washington at ng Maynila.

Samantalang si Basit na eksperto sa paggawa ng bomba  ay ipinalalagay na nagtatago sa Central Mindanao habang si Mundos naman ay pinaniniwalaang nagtatago rin sa Central Mindano at tumatayong financier o nagbibigay ng pondo sa Abu Sayyaf.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply