US, UK saludo kay PNoy; Pacman sa Sarangani ka

IBA ang dating ni Pangulong Noynoy Aquino sa mga lider ng international community partikular na sa bansang Amerika at United Kingdom.

Ito ang hindi mapasusubaliang katotohanan sa naging resulta ng ilang araw na pagkawala ni PNoy sa bansa buhat sa ginawang pagbiyahe nito sa US at London na kung saan umabot sa P100 bilyon ang naiuwi niyang bagong investment sa bansa.

Hindi rin nakaligtas sa pagpupulong nina US President Barrack Obama at PNoy ang isyu sa South China Sea na unti-unti na ring nagkakaroon ng kaliwanagan dahil tiyak na nagkaroon ng kasunduan ang mga lider matapos ang halos isang oras na pag-uusap.

Malinaw rin na kung ang pagbabasehan ang halaga ng naiuwing bagong puhunan ni PNoy buhat sa mga kompanyang mula sa UK at US ay malaking tulong para sa mamamayan ng bansa dahil ang kapital o puhunang papasok dito ay nangangahulugan ng dagdag na trabaho para sa milyon-milyong Filipino at karagdagang income na rin sa estado para maisakatuparan ang mga proyektong kapaki-pakinabang katulad ng school buildings at farm to market roads.

Ang naturang investment rin ng mga kompanyang Glencore, Gaz-Asia, Royal Dutch Shell at Nestle mula sa Britanya ay kasing kahulugan rin ng pagtitiwala nila sa liderato ni PNoy dahil malinaw na nasa tuwid na landas ang tinatahak ng pinakamataas na lider ng bansa.

Numero uno ring tinitingnan ng mga investor lalo’t higit ang mga taga-Amerika ang klima ng peace and order kaya’t sa pagpasok ng kompanyang Sithe Global,  Denham Capital, GN Power at Underwriters Laboratories ay maihahalintulad na rin ito na nagbalik na ang tiwala ng mga kapitalista sa Pinas. Naging malaking bagay rin ang kampanya ni PNoy sa korapsyon sa pagpapasok ng mga kapitalista dahil isa ito sa kanilang isinasaalang-alang sa paglalagay ng negosyo.

Sa US trip din ng Pang. Noynoy ay nakakuha rin ito ng malinaw na sagot buhat kay US Secretary of State Hilary Clinton tungkol sa pagbabantay sa South China Sea.

Malinaw na ipinunto ni Clinton sa kanyang Coastal Watch System na magtutulungan ang Pilipinas at Amerika para sa isang mapayapang South China Sea.

Bukod sa pagtutulungan ay magbibigay rin ang Amerika ng $30M para sa anti-poverty projects ni PNoy na kailangang-kailangan ng mahihirap nating kababayan. Tiyak na yayabong pa ang mga magagandang bagay na darating sa bansa kaya’t sabayan natin si PNoy sa tuwid na landas para sa pagbabago.

###

Marapat lamang na umuwi na muna si Cong. Manny Pacquiao sa Sarangani para tulungan ang kanyang mga kababayan rito.

Bukod kasi sa siya ang kinatawan nito sa Kongreso ay mayroon rin siyang obligasyon sa mata ng Diyos na kalingain ang kanyang mga maliliit na kababayan.

Malinaw naman kasi sa turo ng bibliya ang pagkalinga sa mga nangangailangan maging ikaw man ay politiko o ordinaryong mamamayan lamang.

Ito ang dapat niyang inaatupad dahil walang silbi ang mga binabasa niya sa bibliya kung hindi niya ito iaaplay sa kanyang mga kababayan na umaasa ng kanyang pagkalinga.

Umabot na kasi sa halos 5 ang kumpirmadong patay dahil sa malalakas na pag-ulan sa naturang area dagdag pa rito ang halos 200 mangingisda ang nawawala.

Lumabas na rin sa ulat na may 500 pamilya ang nawalan ng bahay dahil sa baha at lakas ng hangin sa area.

Kilos na Pacman dahil need ka talaga ng iyong kababayan.

###

Sa mga nangangailangan ng pagkalinga ng pitak na ito,maari kayong mag-email sa barangayanni_isko@yahoo.com o mag text sa 09336363310.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply